Eksperto bahala na sa pag-alis ng face shield – Abalos

Eksperto bahala na sa pag-alis ng face shield – Abalos

June 5, 2021 @ 3:29 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Ipinaubaya na ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos sa mga eksperto ang naging panukala ni Manila Mayor Isko Moreno na ikonsidera kung kailangan pa bang gumamit ng face shield ng publiko para proteksiyunan ang sarili laban sa COVID-19.

Ayon kasi kay Mayor Isko, sapat na ang proteksiyong hatid ng face mask laban sa COVID-19 at hindi na kailangan ang face shield.

Ani Abalos sa isang panayam, maganda ang ideya ni Mayor Isko subalit dapat talagang suriin at pag-aralang mabuti dahil “at any given time” ay puwedeng pumutok ang bagong variants ng covid 19.

“Iyong kay Isko, iyong kanyang idea is a valid idea, noh? it could be, puwedeng i-explore. pero kung ako ang tatanungin ninyo, i will leave it that to the experts,” aniya pa rin.

Matatandaan aniya na noong magsimula ang pandemiya ay may sinasabi na ” there’s a certain percentage of safety” .

Kung naka-mask aniya ang isang tao “at any given time” ay mayroon aniyang percentage na ligtas ito mula sa infections subalit kapag nakasuot ng face shield maliban sa face mask ay mas doble aniya ang proteksyon.

Idagdag pa aniya diyan ang social distancing kung saan ay 99% ang magiging proteksyon ng tao mula sa covid 19.

Naniniwala si Abalos na mayroong kaukulang lugar na kailangan na naka-face shield at ito aniya ay ang mga ospital lalo na ang mga nurses, doktor at mga pasyente na pupunta ng ospital.

Sa kabilang dako, umapela naman si Senator Christopher Bong Go sa publiko na hintayin ang magiging rekomendasyon ng mga health experts hinggil sa mga ipinatutupad na restrictions.

Sinabi ni Go na malaki ang tiwala niya dahil sila ang mga eksperto sa larangan ng kalusugan.

Ang pahayag ay ginawa ni Go kasunod ng mga rekomendasyon na puwede nang alisin ang paggamit ng face shield ng mga taong nabakunahan na

Muling iginiit ni Go na hindi dapat magpakakampante ang publiko upang hindi na muling tumaas ang mga kaso ng COVID-19 na magreresulta na naman sa mga lockdowns.

Samantala, isa pa sa nais na itanong namana ni Abalos sa mga eksperto ay kung puwede na bang tanggalin ang face shield sa mga public utility vehicles (PUVs) gaya ng mga pampasaherong jeepney.

“So, hindi absolute siguro ito, noh? but, isa pan gusto kong itanong sa experts ay .. kunwari iyong ating mga public utility vehicles.. dahil dikit-dikit .. puwwede na bang tanggalin o hindi noh? siguro ito’y dapat na pag-aralang maige noh? kasi may mga public utility vehicles like mga jeepney, na open na may hangin baka may gustong ipayo ron. pero how about those na talagang enclosed noh? kamukha ng MRT, etc.. etc..,” ayon kay Abalos.

“So, kung ako ang tatanungin dito.. i’d leave it to the experts for them to determine. pero malaking kaginhawaan talaga kung maglalakad ka lang, wala ka ng face shield…. hindi lang maginhawa at the same time economically, malaking bagay sa atin. but at the end of the day, what is important is safety, db? So, para sa akin, ang tamang sasagot dito will be our health experts,” dagdag na pahayag ni Abalos. Kris Jose