Eksperto: COVID-19 boosters epektibo pa rin vs Omicron subvariant BA.2.75

Eksperto: COVID-19 boosters epektibo pa rin vs Omicron subvariant BA.2.75

July 21, 2022 @ 3:56 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Epektibo pa rin ang kasalukuyang COVID-19 booster doses laban sa bagong Omicron subvariant BA.2.75, ayon kay Vaccine Expert Panel (VEP) chief Dr. Nina Gloriani nitong Huwebes.

Sinabi ni Gloriani ang parehong pahayag ni infectious disease expert Dr. Rontgene Solante na ang BA.2.75 na tinatawag na “Centaurus,” ay maaaring mas nakahahawa kumpara sa subvariants at may posibilidad na makailag sa mga kasalukuyang COVID-19 vaccine.

Subalit nilinaw niya na batay sa pag-aaral, makatutulong ang booster shots upang protektahan ang publiko laban sa BA.2.75–an Omicron subvariant na binabantayan ng World Health Organization (WHO).

“Sa ngayon, ang nakita nila ay nakakatulong ang booster dose. Ang booster dose ay nage-expand, nagbo-broaden ‘yung kanyang immune response, ‘yung iba’t ibang klase na antibodies for instance, mako-cover kasama ‘yung mga variants,” paliwanag ni Gloriani.

“So far, okay pa naman siya, but of course we’re looking at updated versions ng vaccines na more variant-specific later on,” dagdag niya.

Base sa pinakabagong datos ng Department of Health’s (DOH), hindi bababa sa 15.7 milyong indibidwal ang naturukan na ng unang booster dose, habang halos 1.1 milyon ang nakatanggap na ng kanilang ikalawang booster dose. RNT/SA