Eksperto inihirit na ibalik ang 14-day quarantine

Eksperto inihirit na ibalik ang 14-day quarantine

November 28, 2021 @ 2:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Hinikayat ng health expert nitong Linggo ang gobyerno na palawigin ang  quarantine period para sa mga biyahero na papasok sa bansa at ipagbawal ang mga flights  mula sa iba pang bansa sanhi ng banta ng bago at posibleng mas nakahahawang coronavirus disease (COVID-19) variant.

Sinabi ni Dr. Tony Leachon, dating adviser sa COVID-19 response ng gobyerno, na dapat pag-aralan kung ibabalik ang 14-day quarantine period para sa mga biyahero bilang pag-iingat sa pagkalat ng Omicron variant sa bansa.

“Dapat iyan repasuhin at ibalik sa mas mahigpit na quarantine kasi itong ganitong mga variant, nagi-increase ang transmission nito,” giit ni Dr. Tony Leachon sa ABS-CBN.

Sa kasalukuyan, sumasailalim sa tatlong araw na facility-based quarantine ang mga biyahero mula sa mga bansang nasa yellow list, pagkarating sa Pilipinas.

Iginiit ni Leachon na dapat gawing prayoridad ang pagbabawal sa mga biyahero galing sa Hong Kong matapos makatuklas ng kaso ng Omicron variant dito.

“I would probably ban muna ang Hong Kong kasi ang lapit-lapit lang niyan… at ang daming umuuwi na kababayan natin,” aniya. RNT/SA