Eksperto sa pagkakasa ng lockdown sa 4th monkeypox case: ‘That’s overreacting’

Eksperto sa pagkakasa ng lockdown sa 4th monkeypox case: ‘That’s overreacting’

August 29, 2022 @ 3:50 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng infectious disease expert nitong Lunes na ang pagkakasa ng lockdown bilang tugon sa ika-apat na monkeypox case sa bansa ay “overreaction”.

Inihayag ito ni Dr. Rontgene Solante nang tanungin sa isang public briefing ukol sa panawagang magkasa ng lockdown matapos matukoy ang kaso sa bansa nitong nakaraang linggo.

“Well, that’s overacting, no, in terms of lockdown as an option for monkeypox infection. Ang current cases natin are not enough yet to say na kailangan tayo mag lockdown,” giit ni Solante.

Sinabi rin ng eksperto na dapat isulong ng pamahalaan ang awareness at knowledge sa publiko hinggil sa monkeypox virus.

Base sa infectious disease expert, mas nakahahawa ang COVID-19 kaysa sa monkeypox.

“So I don’t think a lockdown is a solution. It’s important to increase the awareness in these regions, especially kung saan ang monkeypox ngayon in terms of the community, paano natin maiwasan ang monkeypox, ano ‘yung mga common sintomas,” aniya.

Samantala, inihayag din niya na posibleng tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ito ang naging komento ni Solante sa pagtataya ng Department of Health na hindi bababa sa 9,000 arawang COVID-19 cases sa pagtatapos ng Setyembre hanggang Oktubre kapag hindi sumunod sa minimum health standards.

“Yes, I fully agree with that, no? Kasi nakikita natin with this BA.5, ang tagal niya bumaba, so there’s also a possibility na aakyat na naman to,” pahayag ni Solante.

“Especially sa nabanggit ko na na tataas ang mobility, tataas ang mga pagtitipon-tipon sa iba’t ibang forms of gatherings at alam naman natin itong BA.5 can still infect those even if you are fully vaccinated,” dagdag niya.

Sa kabila nito, sinabi ng eksperto na mapipigilan ito sa pagpapaturok ng booster shot laban sa COVID-19.

“There’s always that possibility na tataas din ang ma-aadmit sa hospital and among those that will be admitted are the high risk or the vulnerable population,” giit niya. RNT/SA