Eksperto sa publiko: Magpaturok ng booster para sa mas maligayang Pasko

Eksperto sa publiko: Magpaturok ng booster para sa mas maligayang Pasko

October 4, 2022 @ 4:48 PM 6 months ago


MANILA, Philippines-  Hinikayat ni infectious disease expert Dr. Edsel Salvana onitong Martes ang mga Pilipino na magpaturok ng COVID-19 booster shots at patuloy na magsuot ng mask upang makaranas ng mas maligayang Pasko ngayong taon.

Sinabi ni Salvana na na nag-plateau ang COVID-19 cases kamakailan kasunod  ng bahagyang pagtaas sa mga kaso nitong mga nakaraang linggo dahil sa pagluluwag ng face mask mandate at panunumbalik ng face-to-face classes.

Binigyang-diin din niya ang proteksyon na ibinigay ng booster shots, at inihayag na apat na indibidwal lamang sa 16,017 bagong COVID-19 infections na naitala nitong nakalipas na linggo ang natukoy na severe o critical cases.

“If you want to ensure a good Christmas, kung gusto nating lalong tumaas ang tyansa na mangyari ‘yun, nakikiusap po kami sa ating mga kababayan, magpa-boost po kayo para mas maganda ‘yung ating insurance, para hindi tayo makakita ng case spikes pa at kung tumaas man ‘yung cases, manatiling mababa ‘yung number of severe cases,” pahayag niya sa isang public briefing.

Hindi bababa sa 19.7 milyong indibidwal ang nakatanggap ng kanilang booster dose sa 73.1 milyong fully vaccinated na mga Pilipino.

“Masyado pang maaga para masabi na okay lang na hindi nagma-mask sa outdoors dahil hindi pa nga tayo lampas doon sa panahon na makikita natin ‘yung full effect ng pagtatanggal ng masks sa outdoors doon sa mga hindi naman at risk population,” ani Salvana. RNT/SA