Eksperto sa publiko: Magsuot ng face mask sa mga pagtitipon

Eksperto sa publiko: Magsuot ng face mask sa mga pagtitipon

December 19, 2022 @ 5:34 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hinikayat ng disease expert ang publiko nitong Lunes na magsuot ng face mask sa mga pagtitipon, at nagpaalala na umiiral pa rin ang pandemya.

Binigyang-diin ni Dr. Edsel Salvana, dating miyembro ng Department of Health-Technical Advisory Group (DOH-TAG), ang kahalagahan ng pasgsusuot ng face mask upang maiwasan ang pagkakahawa mula sa COVID-19 at iba pang sakit ngayong season gaya ng trangkaso.

“Unang-una important ‘yong paggamit ng mask lalo na sa crowded areas kasi alam naman natin na kung ma-tiyempohan ka lang minsan, naka-tanggal ‘yong mask mo and somebody sneezes, eh pwede kang mapuruhan,” ani Salvana sa Laging Handa Public Briefing.

“Pangalawa is make sure na bakunado po tayo, hindi lang sa COVID, kung hindi against the flu rin na meron naman po tayong yearly flu vaccine, at doon sa mga matatanda important po na meron ding pneumonia vaccine […] ito po ay makakapag-maximize ng protection,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Salvana na para sa mga may sakit at comorbidities, ang pinakamainam na paraan upang makaiwas sa sakit, maging sa COVID-19, ay iwasang dumalo sa social functions. Subalit kung hindi maiiwasan, iginiit niya na dapat nagsuot ng face mask.

“Doon naman sa mga may vulnerable populations katulad ng may comorbids at matatanda, mas maganda po talaga na habang nandito pa ‘yong pandemya at mataas ‘yong antas ng trangkaso sa komunidad, iwasan po muna natin as much as possible,” sabi ng eksperto.

“I-decrease ‘yong risk sa pagsasalo sa mga, you know, in areas na maraming tao at kung hindi po talaga maiiwasan ay gumamit po tayo ng mask at siguraduhin po natin na up-to-date po tayo sa ating mga bakuna at boosters,” paliwanag pa niya.

Sinabi rin ni Salvana, na dapat mag-ingat ang publiko sa respiratory syncytial virus (RSV) na laganap sa mga bata sa United States (US) – bukod sa COVID-19.

“Alam naman natin itong mga respiratory diseases sa season na ‘to, kasama dyan ang trangkaso, mga ubo’t sipon, sa mga bata ‘yong tinatawag na Respiratory syncytial virus or ‘yong RSV na kumakalat sa US ngayon at meron din sa atin sa Pilipinas.  And of course, hindi pa rin naman tapos ang pandemya, nandyan pa rin ang COVID kaya kinakailangan natin mag-ingat,” aniya. RNT/SA