El Niño nakaamba sa Hunyo

El Niño nakaamba sa Hunyo

March 16, 2023 @ 10:00 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Kasunod ng pagtatapos ng La Niña o malimit na pag-ulan dahil sa lower-than-normal air pressure sa western Pacific, naghahanda na ang Pilipinas sa posibleng El Niño phenomenon na inaasahan ng PAGASA na mag-uumpisa sa Hunyo, ayon sa ulat nitong Miyerkules.

Ang El Niño phenomenon ay ang hindi normal na pag-init ng sea surface temperature sa central at eastern equatorial Pacific Ocean at mas mababa sa normal rainfall.

Inihayag ng state agencies gaya ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), PAGASA, at ng National Power Corporation na pinaghahandaan na nito ang posibleng epekto ng El Niño sa dam water level.

“Ang indication nila ay mag-start ng July pero masasabi nila na konkreto na meron El Niño by that time. Ang occurrence nito kung matuloy ang mild El Niño, this will happen by end of this year or early first quarter of 2024,” pahayag ni MWSS Deputy Administrator Jose Dorado.

Sinabi ni Dorado na ang reservoir water level (RWL) sa Angat dam, na nagsusuplay sa 90% ng water requirement sa Metro Manila, ay nananatiling normal sa 206.79 metro mula sa 214 metro na naitala noong Enero.

Sinabi ng MWSS chief na sapat ang suplay para sa summer season subalit pinaalalahanan ang consumers na magtipid ng tubig.

“Dahil kapag ang isang area ay hindi nagtitipid ng tubig, gamit ng gamit ng excessive use of water, ‘yung ibang area nade-deplete ang supply nila dahil ang pressure ng water napupunta lang doon sa isa,” aniya. “Hindi kami nagkukulang sa pagpapaalala sa tao na dapat magtipid ng tubig”.

Nitong Martes ng gabi, opisyal na idineklara ng state weather bureau PAGASA ang pagtatapos ng La Niña phenomenon na unang naitala sa bansa noong 2021. Sinabi ng ahensya na mananatiling neutral ang climate pattern sa bansa mula March hanggang June subalit inaasahang susundan ng El Niño.

Inabisuhan ang consumers na huwag magsayang ng tubig kahit na hindi siguradong tatama ang El Niño phenomenon ngayong taon. RNT/SA