Eleazar ‘di pabor sa pag-aresto sa quarantine violators ngunit kailangan

Eleazar ‘di pabor sa pag-aresto sa quarantine violators ngunit kailangan

May 29, 2021 @ 3:24 PM 2 years ago


Manila, Philippines – Aminado si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar na hindi siya pabor sa pag-aresto sa mga lalabag sa minimum health standards atsafety protocols.

 Sa kabila nito, kailangan aniya ang naturang hakbang upang mapanatiling ligtas ang publiko laban sa mga banta ng coronavirus disease (COVID-19).

“Maski tayo, as much as possible, ayaw natin ang mang-aresto pero kung ito ang kailangan para masigurong ligtas sa COVID-19 ang ating mga komunidad at matuto sumunod sa minimum public health safety protocols ang ilan nating mga kababayan na may katigasan ang ulo, gagawin nating mang-aresto,” saad ni Eleazar.

“I would like to assure the CHR that our personnel are aware of their accountability and responsibility to always abide by police operating procedures and uphold human rights in their operations. May mga mekanismo po kaming nakalatag upang masigurong nasusunod po ng ating kapulisan ang mga protocols,” pagtitiyak pa nito sa pahayag ng CHR na maaaring lumabag sila sa karapatang-pantao.

Punto ng opisyal, committed ang PNP sa pagsunod sa tamang operational procedures para sa pag-aresto ng quarantine violators.

Dagdag pa ni Eleazar, binalangkas na ng Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang guidelines sa pag-aresto sa quarantine violators ngunit hindi pa nila natatanggap.

“Dati naman na po tayong may batas o ordinansa na pinagbabasehan ng mga pag-arestong ating ginagawa. Mas pinaigting lang po natin ngayon ang pagpapatupad nito dahil talagang marami pa rin ang pasaway sa ating mga kababayan.” RNT/FGDC