Eleazar ginawaran ng Outstanding Achievement award ng PMAAAI

Eleazar ginawaran ng Outstanding Achievement award ng PMAAAI

February 19, 2022 @ 4:13 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Iginawad ng Philippine Military Academy Alumni Association, Inc. (PMAAAI) ang Outstanding Achievement Award kay dating PNP chief at senatorial candidate Guillermo Lorenzo Eleazar bilang pagkilala sa kanyang serbisyo sa pulisya.

Sa isang seremonya sa PMA sa Fort Del Pilar, Baguio City, tinanggap ni Eleazar ang gantimpala kasama ang iba pang kapwa cavalier na kinilala din para sa serbisyo at kontribusyon sa kani-kanilang larangan.

Ang tema ng PMA General Assembly and Membership Meeting ngayong taon ay “Mga PMA Cavaliers: Tunay na kaagapay ng Sambayanang Pilipino sa Panahon ng Pandemya o Kalamidad.”

Nagpasalamat si Eleazar, na miyembro ng PMA “Hinirang” Class of 1987, sa PMAAAI para sa pagkilala sa kanyang pamumuno sa PNP kung saan niya isinulong ang sari-saring reporma upang mapabuti ang serbisyo ng pulisya, kabilang ang nagpapatuloy pang internal cleansing campaign.

“To be recognized by your own alma mater is really something that will really make you proud because this simply means that you lived up to its teachings and expectations. In the case of the PMA, living up to its core values of courage, honor and integrity,” ani Eleazar.

Matatandaan na nang iluklok bilang PNP chief, agad nilunsad ni Eleazar ang Intensified Cleanliness Policy kung saan kailangang itama ang maliliit na kamalian dahil ito ang pinagmumulan ng malalaking problema at krimen.

Kabilang sa mga isinulong niyang programa ay ang “nameless and faceless recruitment system” na gumagamit ng QR Code, mabilis na pagpataw ng parusa sa mga nagkasalang pulis, pinalakas na koordinasyon sa ibang ahensiya ng gobyerno parasa sa pagsasagawa ng operasyon kontra krimen, at pagpapadali sa paghain ng reklamo o paghingi ng tulong sa pulisya sa pamamagitan ng social media.

Pinamunuan din ni Eleazar ang mabilis na pamamahagi sa body-worn cameras at nakipag-ugnayan pa sa Supreme Court para sa guideline sa paggamit ng mga ito sa police operations upang matiyak ang transparency at accountability, sa gitna ng mga alegasyon ng paglabag sa karapatang pantao at extra-judicial killings.

Nakipag-ugnayan din si Eleazar sa Department of Justice para mabuksan ang mga dokumento ng PNP sa mga operasyon kontra iligal na droga, na naging susi sa imbestigasyon sa mga pulis na nang-abuso sa gitna ng war on drugs.

Ayon kay Eleazar, ang tinanggap niyang gantimpala’y magsisilbing inspirasyon upang ipagpatuloy niya ang mga programa’t adbokasiya na kanyang sinimulan sa pulisya, kung saan 38 taon siya nanilbihan.

“Magsisilbi itong inspirasyon at motivation upang ipagpatuloy ang laban na nasimulan natin sa PNP upang makuha ng lubusan ang tiwala at respeto ng ating mga kababayan na siya namang susi para maging matatag ang peace and order sa ating bansa,” aniya.

“Dahil ako ay naniniwala na ang magandang peace and order ang pundasyon ng kaunlaran ng isang bansa. Ito ang ilalaban ko na sasabayan natin ng paninindigan para sa tama at paninindigan para itama ang mali sa ating pamahalaan at lipunan,” aniya pa.

Tumatakbo sa pagka-senador si Eleazar sa ilalim ng slate nina Senator Panfilo “Ping” Lacson at Senate President Vicente Sotto III. Ginawaran ng PMAAAI si Lacson ng Lifetime Achievement Award. Jan Sinocruz