Eleazar, humakot ng suporta sa Muntinlupa, Bataan

Eleazar, humakot ng suporta sa Muntinlupa, Bataan

April 5, 2022 @ 6:51 PM 3 months ago


PINAG-IBAYO pa ni senatorial candidate at dating PNP chief Guillermo Lorenzo Eleazar ang pangangampanya sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayo’t mahigit 30 araw na lang ang nalalabi bago ang halalan.

Sa pinakahuli niyang paglilibot, nagsagawa si Eleazar ng motorcade at nakipagkita sa mga lokal na opisyal sa Muntinlupa City at lalawigan ng Bataan.

Sa Muntinlupa, nagsagawa si Eleazar ng courtesy call kay Mayor Jaime Fresnedi at nakipagpulong sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, iba-ibang departamento, at staff ng city hall.

“Nandito nga po ako ngayon pagkatapos ng 38 years in the public service bilang pulis at sundalo at humaharap sa bagong larangan. Para po sa akin ay nandoon pa ang aking strong desire para ipagpatuloy ang aking paglilingkod at iyan naman po ay sa awa ng Diyos at tiwala ng ating mga kababayan,” sabi ni Eleazar sa mga opisyal ng lungsod.

Kilala si Eleazar na tubong Tagkawayan, Quezon, pero noong 1992 pa naninirahan sa Brgy. Putatan, Muntinlupa, kasama ang maybahay na si Rosalie.

Matapos ang aktibidad sa Muntinlupa, nagtungo naman si Eleazar sa Bataan at sinadya ang tanggapan ni Governor Albert “Abet” Garcia sa The Bunker Capitol Compound na nasa Balanga City.

Dumalo rin siya sa pulong-balitaan kasama ang lokal na media, kung saan niya tinalakay ang mga pangunahing isusulong sa Senado kapag nahalal.

Kabilang sa mga tinalakay ng Partido Reporma candidate ang pagbuo sa national health hazard map na inaasahang tutulong sa pagpapabilis at pagpapabuti ng serbisyo ng pamahalaan sa mga lugar na apektado ng krisis na may kaugnayan sa kalusugan.

Inihayag din niya ang pagbibigay ng health and life insurance system para sa mga barangay tanod at incentive system para sa mga security guard na tutulong sa pagpigil sa krimen.

Nangako si Eleazar na gagawing independent ang PNP Internal Affairs Service upang mapalakas ang disciplinary measures ng pulisya laban sa mga abusadong pulis.

“Isusulong ko rin ang paglikha ng isang food security cluster na magbibigay ng proteksyon sa mga magsasaka gayundin ang insurance system para ang mga pananim, livestock, at palaisdaan na masasalanta ng kalamidad ay maibabalik sa kanila,” aniya.

Sinabi ni Eleazar na susuportahan niya rin ang pagpapatuloy sa kampanya kontra iligal na droga, pero dapat ay magkaroon ito ng “holistic approach” kung saan malaki rin ang pagpapahalaga sa rehabilitation gaya ng sa pagpapababa sa demand at supply.

“Habang papalapit ang halalan ay mas lalo kong nararamdaman ang tumitinding suporta ng ating mga kababayan. Ang inyong pagsama sa aking labay ay susuklian ko ng mga programa na makapagpapabuti ng kaligtasan at buhay ng ating mga kababayan,” aniya. Jan Sinocruz