Eleazar: Insurance para sa OFWs tiyakin

Eleazar: Insurance para sa OFWs tiyakin

April 3, 2022 @ 1:09 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Ipinanawagan ni senatorial candidate at dating PNP chief Guillermo Lorenzo Eleazar sa pamahalaan ang mahigpit na pagpapatupad sa mandatory insurance para sa migranteng manggagawa.

“Dapat ay tutukan ng gobyerno ang enforcement ng regulasyong ito dahil para ito sa benepisyo ng mga migrant workers kasama na rin ang kanilang mga pamilya,” ani Eleazar.

Kailangan din aniya ng mas matinding penalty o parusa sa mga ahensiya at employer na di susunod sa mandatory insurance para sa overseas Filipino workers.

Kabilang ang kapakanan ng OFWs sa mga isinusulong ni Eleazar sa kanyang kandidatura sa ilalim ng tambalan nina Senator Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto III.

“If given the chance, I will ensure that those employers who will not provide benefits to OFWs will be sanctioned. Hindi lingid sa ating kaalaman na may mga ahensya o employer na pinagkakakitaan lamang ang mga OFWs at hindi binibigay sa kanila ang benepisyong nararapat para sa kanila,” aniya.

Una nang inihayag ng Philippine Overseas Employment Administration na kailangan bigyan ng insurance coverage ng lahat ng lisensyadong recruitment at manning agency, pati na ang mga direct employer, lahat ng kanilang tatanggaping OFW.

Saklaw dapat ng insurance ang “force majeure” gaya ng mga sakunang dulot ng kalikasan, at mga isyung pangkalusugan.

Hinimok ni Eleazar ang mga OFW na mag-ulat sa mga kinauukulan kung hindi sila bibigyan ng insurance ng mga employer.

“Karapatan nila ito at kung talagang wala silang makukuha sa kanilang mga employers, huwag silang magdalawang-isip na magreklamo upang maaksyunan agad ito,” aniya. Jan Sinocruz