Eleazar, lumahok sa El Shaddai Walk of Faith

Eleazar, lumahok sa El Shaddai Walk of Faith

April 10, 2022 @ 4:45 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Kailangan ng mga Pilipino na makapaghalal ng mga lider na tuwid ang pag-uugali at may takot sa Diyos dahil ang mga katangiang ito ang tiyak na gagabay sa kanila sa pagsulong ng kaunlaran kahit pa may mga problemang kinakaharap ang bansa, ayon kay senatorial candidate Gen.  Guillermo Lorenzo Eleazar.

Ibinigay ni Eleazar ang pahayag matapos dumalo sa “Walk of Faith” Mass and Healing Rally ng grupong El Shaddai nitong Sabado (Abril 9).

“Sa panahong sinusubok tayo ng pandemya, kalamidad, giyera at iba pa, kailangan natin ng mga lider na matatag, may paninindigan, at may takot sa Diyos. Isang lider na ipaglalaban ang tama at itutuwid ang mga mali. Sa Senado, asahan po ninyo na ako ang magiging tapat na kaagapay ng ating mga kababayan,” aniya.

Sinamahan ni Eleazar si El Shaddai founder Mariano “Brother Mike” Velarde sa aktibidad, kung saan pinagtibay ng pinakamalaking Catholic charismatic group ang suporta sa kandidatura ng retiradong police general.

Nagtipon ang mga pinuno’t kasapi ng El Shaddai sa Philippine International Convention Center (PICC) grounds sa Pasay City dakong alas-4, at doo’y pinahalagahan ni Velarde ang aktibidad.

“Malaya na tayong lumakad ayon sa ating pananampalataya. We walk by faith not by sight. We walk by faith not by feelings. Kaya huwag tayong matatakot sa anumang bagay, sa lahat ng salot na darating sapagkat kasama natin ang Diyos,” aniya.

Mula doo’y nagtungo sila sa AMVEL Compound ng Paranaque City at dumating alas-6:30 ng gabi, bago ipinakilala si Eleazar sa mga lider at kasapi ng El Shaddai.

“Ako po ay nagpapasalamat sa Christian-Muslim Democratic Coalition for supporting me in my candidacy. Ako ay nagpapasalamat sa suportang ibinibigay niyo sa akin,” ani Eleazar.

“Hayaan niyong iparating ko sa inyo na kung sakali, sa awa ng Diyos, at sa inyong pagtitiwala na ako ay mahalal na manungkulan, lagi po natin itong ibabalik in the glory of God at sa serbisyo sa ating taumbayan,” aniya pa.

Dinaluhan din ni Eleazar ang paglunsad ng grupo ng statement of solidarity and unity para sa mapayapang halalan ngayong taon.

Sinundan ito ng misa na pinangasiwaan ni Rev. Fr. Sanny de Claro, spiritual director ng El Shaddai DWXI Prayer Partners Fellowship International (PPFI).

Noong Pebrero 12, inendorso ng El Shaddai ang pagtakbo ni Eleazar bilang senador. Pangunahing layon ni Eleazar sa pagtakbo ang mapagbuti ang peace and order sa bansa para matiyak ang seguridad ng bawat pamilya, at naayon ito sa itinuturo ng El Shaddai na pagbutihin ang lagay ng bawat pamilya upang maibalik ang moralidad sa lipunan. Jan Sinocruz