Eleazar sa bar passers: Integridad, kasarinlan ng hudikatura itaguyod

Eleazar sa bar passers: Integridad, kasarinlan ng hudikatura itaguyod

April 13, 2022 @ 1:43 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagpaabot ng pagbati si dating PNP chief at senatorial aspirant Guillermo Lorenzo Eleazar sa mga pumasa sa ginanap na Bar examinations at hinikayat silang maging simula ng pagbabago sa pamamagitan ng pagtatanggol sa katotohanan at pagtaguyod sa integridad at kasarinlan ng hudikatura.

Ayon sa Korte Suprema, umabot sa 8,241 ang pumasa sa 2020-2021 Bar exams. Ang naturang bilang ay bahagi ng 11,402 law graduate na sumailalim sa pagsusulit.

“Ipinaaabot ko ang aking taos-pusong pagbati sa lahat ng mga pumasa sa Bar exams ngayong taon. Hindi biro ang hirap na dinanas niyo lalo pa at dumaan tayo sa pagsubok na dala ng pandemya subalit hindi ito naging hadlang para ipagpatuloy niyo ang inyong pangarap na maging abogado,” ani Eleazar.

“Ngayong kayo ay ganap nang mga abogado, ito na ang simula ng inyong bagong karera para pagsilbihan ang ating bayan at ang sambayanang Pilipino. Bilang mga bagong abogado, dalangin ko ang tagumpay ninyo sa inyong mga tatahaking landas,” aniya pa.

Isinagawa ang Bar exams nitong Pebrero 4 at 6, matapos maantala ng dalawang taon dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.

Ang passing rate na 72.28 percent ngayong taon ay itinuturing na record-high ng Korte Suprema.

“Nawa’y lagi niyong isaisip ang kahalagahan ng pagtataguyod sa katotohanan lalo na sa panahon ng paglaganap ng mga fake news. Samahan niyo ng sipag, galing at dasal ang inyong pagtatrabaho upang kayo ay magtagumpay sa buhay,” ani Eleazar.

Samantala, hinimok ng Partido Reporma candidate ang mga di pumasa sa Bar na patuloy lang na magsikap.

“Huwag kayong susuko dahil hindi pa ito ang katapusan ng inyong karera. Puwedeng-puwede pa kayong sumubok muli sa ibang pagkakataon. Naniniwala ako na sa inyong muling pagkuha ng exams, hindi na kayo magsisimula sa wala dahil baon na ninyo ang mga aral na natutunan niyo sa inyong pagkabigo,” ani Eleazar. Jan Sinocruz