Eleazar sa DOH: Monitoring vs posibleng pagkalat ng Omicron subvariant palakasin

Eleazar sa DOH: Monitoring vs posibleng pagkalat ng Omicron subvariant palakasin

April 28, 2022 @ 4:13 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nanawagan si dating PNP chief at senatorial candidate Guillermo Eleazar sa Department of Health na palakasin ang pag-monitor sa Omicron BA.2.12 subvariant.

Ginawa ni Eleazar ang panawagan matapos ma-detect ang bagong sublineage ng Omicron na BA.2.12 sa bansa. Ang naturang subvariant ay nakitang taglay ng isang 52-anyos na babang taga-Finland na dumating sa bansa noong Abril 2.

“Ngayong na-detect na ang Omicron subvariant na ito sa bansa, ako ay nananawagan sa DOH na paigtingin pa ang pagbabantay sa mga COVID-19 cases na posibleng mayroon ng subvariant na ito upang hindi na kumalat pa. Kasabay nito ang pagpapaigting din sa contact tracing ng bansa,” ani Eleazar.

“Hindi naman sa ako ay nananakot subalit dapat maging maingat lalo na’t patuloy pa rin ang pagaaral ng mga eksperto hinggil sa subvariant na ito. Wala pang kasiguraduhan kung mas nakahahawa o nakamamatay ang subvariant na ito,” aniya pa.

Hinikayat din ni Eleazar ang DOH at iba pang kobnektadong ahensiya na agad i-update ang publiko kung sakaling may bago at importanteng development sa subvariant.

“Dapat mas maging transparent ang ating mga ahensya tungkol sa subvariant na ito upang malaman ang mga susunod na hakbang upang mapigilan ang pagkalat pa nito. Sa ganitong paraan, mas makakapaghanda rin ang ating healthcare system at alam nila ang kanilang gagawin sakaling tumaas na naman ang kaso ng COVID-19 sa bansa,” aniya.

Ayon sa DOH, inaalam pa ng mga eksperto kung ang mga subvariant ng Omicron ay mas nakahahawa at mas malala kaysa sa mga unang variant at subvariant ng COVID-19.

Samantala, inulat ng DOH na natapos na ng babaeng taga-Finland ang pitong araw na isolation, gumaling, at pinayagan nang lumabas. Nakauwi na ang banyaga sa kanyang bansa noong Abril 21. Jan Sinocruz