Eleazar sa DOLE: Wage hike petition, aksyunan na

Eleazar sa DOLE: Wage hike petition, aksyunan na

March 23, 2022 @ 6:49 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Nanawagan si senatorial candidate at dating PNP chief Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar sa Department of Labor and Employment (DOLE) na agad nang aksyunan ang mga petisyong humihiling sa pagtataas ng minimum wage.

Ginawa ni Eleazar ang panawagan matapos sabihin ni DOLE Undersecretary Benjo Benavidez na anim na regional boards na nila ang nakatanggap ng petisyon para itaas ang suweldo ng mga manggagawa.

“Marami ang nakaabang sa resulta ng mga petisyon na nananawagang dagdagan ang pasahod a ating mga manggagawa dahil sa patuloy na pagtaas ng mga presyo ng bilihin. I am urging DOLE’s central and regional offices to work double time to address and resolve these petitions,” ani Eleazar.

“Anuman ang mapagdesisyunan hinggil sa bagay na ito, sana’y makatwirang halaga ang ibigay kung itataas nga ang pasahod. Malaking tulong ito sa bawat pamilyang Pilipino na kaliwa’t-kanan ang gastusin sa araw-araw,” aniya pa.

Di pa masabi ng DOLE kung kailan mapagpapasyahan ang mga petisyon dahil kailangan pa umanong dumaan ng mga ito sa tamang proseso.

Ayon kay Eleazar, kabilang ang mga naturang proseso sa kanyang bubusisiin kapag nahalal bilang senador.

“Target talaga nating pasimplehin at pabilisin ang anumang sistema sa bawat ahensya ng gobyerno upang makapagbigay ng maayos na serbisyo sa ating mga kababayan. Sawa na tayo sa mga matatagal na proseso. Kailangan ng mabilis na tugon sa anumang nais ng ating mga kababayan,” aniya.

Tumatakbo sa pagka-senador si Eleazar sa ilalim ng tambalan nina Senator Panfilo “Ping” Lacson and Senate President Vicente Sotto III.

Bago ito, nagsilbi si Eleazar nang mahigit 30 taon sa pulisya, kung saan nagpatupad siya ng malalaking reporma upang mapabuti ang mga proseso’t serbisyo ng organisasyon. RNT