Eleazar sa mga Batangueño: Taal ‘di pa ligtas, tumalima sa pagpapalikas

Eleazar sa mga Batangueño: Taal ‘di pa ligtas, tumalima sa pagpapalikas

March 28, 2022 @ 7:36 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Hinikayat ni senatorial candidate at dating PNP chief General Guillermo Lorenzo Eleazar ang mga residente ng Batangas na sundin ang panawagan ng local government units na lumikas dahil di pa tiyak kung ligtas na ang sitwasyon ng Taal Volcano.

“Sa ating mga kababayan, sana po ay tumalima tayo sa mga utos ng ating lokal na pamahalaan dyan sa Batangas. Huwag na po kayo magdalawang-isip na lumikas kung kayo ay palikasin ng mga otoridad dahil mas importante na mailigtas ang buhay niyo kaysa sa anumang mga bagay na inyong maiiwan sa inyong mga bahay,” ani Eleazar.

Una dito, nagkaroon ng serye ng phreatomagmatic eruption sa Taal Volcano nitong Sabado (Marso 26) at itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang Alert Level 3.

Kasunod nito’y nagsilikas na ang libo-libong residente ng mga bayan ng Agoncillo at Laurel, pero may napaulat na mga ayaw pang umalis dahil sa pangambang manakawan ang kanilang bahay, o di kaya’y nagsiuwi nang tila kumalma ang bulkan.

Kampante si Eleazar na kayang tugunan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang panibagong paglikas ng mga residente, dahil napatunayan na ito nang mag-alburuto din ang bulkan noong 2020.

“Tayo naman ay tiwala sa kakayahan ng LGUs sa pamumuno ni Gov. Hermilando Mandanas na talagang ipinakita ang magandang disaster response noon pang 2020. Kaya tiwala din ako na matutugunan ng mabilis at maayos ang pangangailangan ng ating mga kababayan na muling apektado ng pag-alburuto ng Bulkang Taal.”

Sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinasabing nasa 869 pamilya o 2,961 katao na ang nagsilikas mula sa Agoncillo at Laurel.

Samantala, umapela naman si Eleazar sa lokal na pulisya na tiyakin ang seguridad sa mga apektadong lugar, lalo na sa kabahayang iniwan ng evacuees, dahil dati sinabi ng ilang residente na di sila lumilikas sa pangambang manakawan ang kanilang tahanan.

Pinaalalahanan ni Eleazar ang mga residente na magsuot ng face mask upang maprotektahan ang sarili di lang sa COVID-19 kundi pati sa posibleng ash fall na, kung malalanghap, ay maaaring magdulot ng sakit sa baga. Jan Sinocruz