Eleazar sa PNP, PDEA: Isantabi ang emosyon upang maiwasan ang misencounter

Eleazar sa PNP, PDEA: Isantabi ang emosyon upang maiwasan ang misencounter

July 11, 2021 @ 11:59 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Pinasasantabi ni Philippine National Police (PNP) chief Police Gen. Guillermo Eleazar ang emosyon ng pulisya at mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang maiwasan ang isa pang “misencounter.”

“Ang panawagan ko po sa operatiba ng PNP at agents ng PDEA na palaging tingnan ang intention at kung ano ba ang gustong mangyari ng leadership ng PDEA at PNP para dun tayo aalign,” ani Eleazar sa isang panayam sa dzBB.

“Siyempre may kanya-kanya tayong organization at proteksyon or yung sinsabi nating welfare ng ating mga tauhan. Nandiyan po, ‘di maiiwasan may mga sentiments and emotions pero basically, ilalagay natin na iisa lang ang ating layunin at iisa lang ang ating trabaho dito at laging iisipin na magkasama tayo para hindi nagkakaroon ng problema,” dagdag ng PNP chief.

Nitong Biyernes, nilagdaan na ng PNP at PDEA ang joint memorandum circular sa iisang panuntunan sa anti-illegal drug operations.

Nag-udyok sa dalawang ahensya na bumuo ng uniformed guidelines ang malagim na palitan ng putok sa pagitan nito sa isang operasyon sa Quezon City nitong Pebrero 24 kung saan lima ang nasawi. RNT/ELM