Eleazar: Sports development palakasin, pool ng mga atleta pagyamanin

Eleazar: Sports development palakasin, pool ng mga atleta pagyamanin

April 26, 2022 @ 2:40 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Kailangang palakasin pa ang mga programang pang-sports upang makapagpayabong ng mas maraming world-class na Pilipinong atleta at maiwasan ang kanilang paglisan dahil sa kakulangan ng suporta ng pamahalaan, ayon kay senatorial candidate Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar.

Ibinigay ni Eleazar ang pahayag nang magsilbing speaker sa opening ceremony ng Cagayan Valley Regional Athletic Meet nitong Lunes (Abril 25). Ang naturang event ay dinaluhan ng mga student-athlete mula sa limang lalawigan at apat na lungsod ng rehiyon.

“Itong sports o palakasan ay simbolo ng disiplina, sipag, tyaga pati na rin karangalan. Kaya sa presensya ng ating mga kabataan, ng ating mga atleta ay talagang ako’y sumasaludo sa inyo dahil sa kabila ng pandemya ay nandito kayo ngayon para buhayin ang sports development,” aniya.

Inalala ni Eleazar ang kanyang pagpasok sa Philippine Military Academy (PMA) noong 1983, kung saan bahagi ng pagsasanay ng mga kadete ang sports.

Naging makabuluhan iyon para sa noo’y binatang Eleazar, dahil ang pagsali aniya sa iba-ibang palaro ang nagpayabong sa kanyang pagpupursiging magtagumpay, pakikipag-kaibigan, karangalan, pakikipagkaisa, at pagmamahal sa bansa.

Ngayong tumatakbo na bilang senador, nais ni Eleazar na tiyakin ang operationalization ng National Academy of Sports (NAS) na itinatag noong Hunyo 2020 sa New Clark City ng Capas, Tarlac.

“Kung talagang bibigyan ng pansin, bibigyan ng resources itong mga sports organizations, madedevelop ng sinumang kabataan ang kanilang kakayahan para sa anumang laro,” aniya.

Noong 2021, sinimulan ng NAS ang paghanap sa mga Pilipinong student-athlete na maaaring kumuha ng scholarship program nito, sa pamamagitan ng NAS Annual Search for Competent, Exceptional, Notable, and Talented Student-Athlete (NASCENT SAS).

Saklaw ng NASCENT SAS ang mga student-athlete na nasa larangan ng aquatics, athletics, badminton, gymnastics, judo, table tennis, taekwondo, at weightlifting.

Nagbabala si Eleazar na kung patuloy na kukulangin ang suporta ng pamahalaan sa mga atleta at maaaring mawalan ng mas marami pang magaling na manlalaro ang bansa.

Gaya aniya iyon ng paglipat ni chess grandmaster Wesley So sa Estados Unidos, golfer Yuka Saso sa Japan; at pool player Alex Pagulayan sa Canada.

Binanggit din ni Eleazar ang mga dinanas ng magaling na pole vaulter na si EJ Obiena, na ngayo’y nakatatanggap na umano ng alok mula sa iba-ibang bansa.

“Marami sa ating mga magagaling na atleta ay napilitang irepresenta ang ibang bansa dahil sa kakulangan ng suporta mula sa pamahalaan. Kung magpapatuloy ang kakulangan ng suporta ng gobyerno sa ating mga atleta, hindi malayong marami pang mga talentadong atleta ang mawala sa atin,” aniya.

Tiniyak ng Partido Reporma candidate na kapag siya’y nahalal ay isusulong ang sports development sa pamamagitan ng pagbigay ng sapat na panustos sa NAS, upang matulungan ang mga student-athletes na makamit ang kanilang full potential.

“Madaling sabihin ito pero ang kailangan dito ay pondo, hindi lang galing sa LGUs kundi sa national government natin. Kung bibigyan ng pagpapala ng Panginoon Diyos at tiwala ng ating mga kakababayan, ako po ay magsusulong ng laban ng bawat atleta upang lalo pang lumakas ang sports development para sa ating mga kabataan,” ani Eleazar. Jan Sinocruz