Eleazar umani ng suporta mula sa ‘Gen Z’

Eleazar umani ng suporta mula sa ‘Gen Z’

March 19, 2022 @ 11:12 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Muling nakakalap ng suporta mula sa kabataan si senatorial candidate at dating PNP chief Guillermo Lorenzo Eleazar nang bisitahin kamakailan ng mga kinatawan ng The Coalition of the Youth for Development (TCYD) sa kanyang campaign headquarters sa Makati City.

Nagsagawa ng courtesy call kay Eleazar si Jerome Paolo Bernardo Gonzales, founder at pangulo ng TCYD, kasama ang kapwa youth leader, at nagpasalamat sa retiradong police general dahil sa mga isinusulong na programa para sa youth empowerment.

“Nakakatuwa na itong ating mga kabataan ay naglaan ng oras para ako ay bisitahin. Malapit sa puso ko ang mga kabataan dahil noong ako ay nasa serbisyo pa sa PNP, maraming lumapit sa akin para humingi ng tulong na mga magulang na na-kidnap ang anak o nalulong sa masamang bisyo at gusto nilang patinuin,” ani Eleazar, na nagsilbi nang 38 taon bilang pulis.

“Kaya para makatanggap ng suporta sa ating mga kabataan na Gen Z at millennials ay talagang nakakataba ng puso. Life is really a cycle dahil kung noon ay natulungan natin sagipin ang mga kabataan, ngayon ay mga kabataan naman ang tumutulong sa ating kandidatura dahil naniniwala sila sa aking kakayahan na magsilbi sa bayan. Sabi nga nila eh Gen Z supports Gen. E – General Eleazar,” aniya pa.

Tiniyak naman ni Eleazar sa mga panauhin na kanyang susuportahan ang mga programa ng TCYD at tutulungan silang paigtingin pa ang mga kakayahang magagamit sa kapakanan ng bansa.

“Gaya ng lagi kong sinasabi, ang mga kabataan na naninidigan para sa tama ang tunay na pag-asa ng bayan. Ipaglalaban natin ang mga kabataan sa Senado dahil ang laban nila ay laban ko rin,” aniya.

Ang TCYD ay isang “youth, nationwide, non-profit, volunteer-driven, and non-governmental organization” na binuo sa Taguig City noong 2017 ng noo’y 15-anyos pa lamang na si Gonzales. Rehistrado ito sa National Youth Commission-Youth Organization Registration Program.

Layon ng grupo na palakasin ang kakayanan ng kabataan sa pamamagitan ng iba-ibang programa, proyekto, at aktibidad na may kinalaman sa skills development, environmental protection, livelihood and employment capacity, drug abuse awareness, sports and health development, socio-cultural and civic interaction, academic excellence stability, good governance, peace building, at seguridad.

Suportado ng TCYD ang kandidatura ni Eleazar sa pagka-senador dahil sa kanyang mga adbokasiya.

Kabilang sa mga isinusulong ni Eleazar ang reporma sa Sangguniang Kabataan (SK) elections upang mabigyang-pagkakataon na makasali ang mahirap pero may kakayahang youth leader; financial independence para sa SK; suporta sa sports lalo na sa mga estudyanteng atleta; ayuda sa estudyante ng mga kursong may kinalaman sa agrikultura at fisheries; at mga insentibo sa kabataang nasa film industry.

Kamakailan lamang, nakasama ni Eleazar sa isang virtual meeting ang “Youth for Eleazar,” na isa ring nationwide youth group. Ang grupo’y binubuo ng mga miyembro ng SK, young professionals, artists, Muslim community, LGBTQIA+ (Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, and Asexual), at iba pang kabataan mula Luzon, Visayas, at Mindanao. Jan Sinocruz