Malapit na naman ang national at local elections kung saan dadagsa ang mga tukso sa ibang mediaman na maaaring gawing PR o public relations man ng magkakalabang panig. Kadalasan ang mga kawawa nating kapatid sa hanap buhay ang naiipit sa huli.
Sa totoo lang, tila proxy war ang nangyayari kung saan ang mga nagbabangayang pulitiko lalo na sa lokal ay umaasa sa mga kaalyadong media. Una, para bumango at, pangalawa at kadalasang nangyayari, ay para masira ang kalaban.
Pero hindi naman lahat ay gumagawa nito. At, sa totoo lang ulit, wala namang masama sa kagustuhang mabuhah ninoman. Ang atin lamang ay paalala na mag-ingat sapagkat ayaw nating makita na sa tindi ng palitan ng banatan ay may isang titimbuwang sa huli.
Ang ganitong insidente rin ang nagiging sanhi ng awayan sa pagitan ng mga grupo ng media. Meron dikit kay meyor at merong dikit kay gobernor at sa mga kalaban ng dalawa. BOOM!
Kailangang maging intelehente at mapanuri sa pakikipagtransaksiyon sa mga pulitiko upang maiwasan natin ang peligro sa ating propesyon na kadalasan ay humahantong pa sa pagkitil ng buhay.
Hindi masamang pumuna sa korapsiyon. ‘Yan ay ating tungkulin. Ibang usapan na lang kapag ang pagpuna sa korapsiyon ng isang opisyal ay dahil ipinag utos ng katunggali.
Paalala lang din po na kapag dumadating ang panahon ng halalan ay tumataas ang bilang ng mga biktima ng karahasan kasama na ang media. Halimbawa dito ang karumal-dumal na Maguindanao massacre kung saan 32 mamamahayag ang napaslang.
Hindi natin maikakaila na nagagamit ang iba ng mga pulitiko, pero dapat ay maging wais sa pagpili kung sinong pulitiko ang dapat suportahan. Siyempre dapat ‘yung tunay na may malasakit sa bayan. Mahirap na at baka magamit lang ng kampon ng kadiliman.
Kapag kasi nalagay sa alanganin at naipit sa gitna, wala namang padrino ang dumidiin para protektahan ang ginamit na tao. Iniiwan sa ere, wika nga.
TAMA O MALI?
Bukod diyan ay nakaamba ang kasong libelo kapag personalan na ang pagtira o mga paninira sa makakalaban ng pulitikong pinapanigan. Haaay buhay!
Mahirap magdesisyon pero kailangan nating mga media na maging mahusay sa pagganap s tungkulin. Dapat obhetibo at patas sa pagtingin at pagtantiya sa mga isyu. ‘Yan ang ideal situation. At ito rinnang dahilan kung bakit mayrong Code of Ethics.
Sa madali’t sabi, huwag magpapagamit o magpapadikta sapagkat ang tunay na mamamahayag ay hindi ipagpapalit ang katotohanan sa anumang halaga.
NO STORY IS WORTH DYING FOR. Mas mahalagang mabuhay para sa isang mensahero.
Ilan sa mga nasa larangan ng pagiging PR man ay maayos ang trabaho dahil ang kanilang istratehiya ay ang ipakita sa madla ang magagandang nagawa ng isang pulitiko at hindi lumalarga ang mga ito sa mga dirty tricks tulad ng paninira sa imahe ng mga katunggali.
Ang datos ng mga napaslang na mga media practitioners ay hindi na dapat pang madagdagan. Dasal natin na wala nang masaktan. Laging tandaan ang prinsipyong tinagurian nating TAO sa pagpuna. Truth, Accuracy at Objectivity. T-A-O!
Bukod dito, dapat ay maging alisto tayo at maging malakas ang pakiramdam sa lahat ng sitwasyon.
Huwag kumpiyansa at huwag basta-basta magtiwala.
-DALA KO EGCO