Electric company chief sa Negros tigok, wasak-mukha sa tingga; inside job sinisilip

Electric company chief sa Negros tigok, wasak-mukha sa tingga; inside job sinisilip

December 22, 2022 @ 9:20 AM 2 months ago


BACOLOD CITY- Isinailalim sa paraffin test ang executive secretary at samahan ng Unyon ng napatay na general manager ng Northern Negros Electric Cooperative (NONECO) na pinaniniwalaan ‘inside job’ ang nasabing krimen kahapon ng madaling-araw sa lungsod na ito.

Dead-on-the-spot sanhi ng tama ng bala mula sa .45 kalibre na baril sa batok na tumagos sa mukha ang biktimang si Atty. Danny Pondevilla, General Manager ng NONECO.

Batay sa report ng Bacolod City Police Station 2, dakong 12:01 AM ng maganap ang krimen sa tapat ng Bazket Bacolod, sa 16th Lacson Street ng nasabing lungsod.

Ayon kay Lt. Jonito Pastrana, hepe ng Bacolod City Police Station 2, bago ang krimen ginanap ang Christmas Party ng NONECO sa EL’fisher Hotel sa nasabing lungsod at pauwi na sana ang biktima sa kanilang bahay.

Sa nakuhang impormasyon ng pulisya sa guwardiya ng naturang hotel nakita nilang kasama ng biktima ang kanyang babaeng secretary palabas at sumakay ng kotse ng Honda-CRV subalit wala naman silang narinig ng mga putok ng baril.

Ilang minuto ang makalipas natagpuan na lamang ang biktima sa driver seat ng kanyang sasakyan na wala ng buhay at may tama ng bala ng baril habang nawawala ang kanyang sekretarya.

Naging persons of interest ngayon ng pulisya ang sekretarya at ang Unyon ng NONECO matapos lumutang ang sekretarya sa pulisya ng higit sa 3-oras ng maganap ang krimen.

Sa salaysay ng secretary ng biktima, lasing na lasing si abogado at nagtalo sila kung sino ang magmamaneho para ihatid siya sa kanilang tahanan.

Nagpumilit umano ang biktima na magmaneho kaya may tinawagan silang tao na siya na lamang ang magmaneho ng sasakyan.

Dahil sa kalasingan, nagsusuka ang biktima at binuksan nito ang pintuan ng sasakyan para magsuka ng tatlong beses hanggang sa may dumating na riding in tandem at binaril ito.

Subalit sa halip na tumakbo ito sa pulisya para isumbong ang krimen, pumunta ang sekretarya sa kanilang kasamahan ng mga miyembro ng Unyon bitbit ang cellphone ng abogado.

Sinabi naman ni Pastrana, na hindi magkatugma ang mga salaysay ng secretary dahil wala man lamang tama ng baril ang sasakyan at nakita rin sa crime scene na nakaupo ang biktima sa driver seat at mistulang nakatali ang mga kamay ng seat belt.

Hinala ng mga awtoridad na pagpasok ng biktima sa sasakyan ay nasa loob na ang suspek at naupo likurang bahagi ng driver seat saka ito binaril sa batok at dahil sa malapitan ang pagbaril tumagos ito sa kanyang mukha.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para managot ang responsable sa pagpaslang kay Pondevilla./Mary Anne Sapico