Electronic eskwela sa bawat barangay itinulak sa Kamara

Electronic eskwela sa bawat barangay itinulak sa Kamara

September 17, 2022 @ 4:24 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Isinusulong ni Tutok to Win partylist Rep Sam Versoza ang pagtatatag ng “electronic eskwela” o E-Skwela hub sa bawat barangay upang matiyak na ang mga estudyante na walang kakayahan ay magkaroon ng acccess sa computers, printers, internet at iba pang digital learning tools.

Layon ng inihaing House Bill 4827 o E-Skwela Act na itaas ang antas ng edukasyon ng bansa at ito ay magagawa lamang kung ang lahat ng estudyante ay magkakaroon ng access sa mga learning tools at resources.

“Noong pumutok ang pandemic, maraming estudyante ang nahirapang mag-aral dahil walang computer at internet connection. Kaya naisipan namin na magpatayo ng mahigit sampung E-Skwela Hub sa Maynila, Cagayan, Baguio, Camotes Islands sa Cebu kung saan maaaring pumunta dito ang mga estudyante upang makagamit ng computer at Internet connection nang walang bayad,” pahayag ni Versoza.

Aniya, ang kanilang naumpisahang programa ay nais nyang maipatupad sa buong bansa at umaasa syang maisabatas ang nasabing panukala, ani Versoza ang E-Skwela Hub ay magsisilbing learning center kung saan makakagamit ang mga estudyante ng libreng computer, internet access, printing equipment at iba pang educational materials.
system.

“Importante na makatulong tayo sa pag-aaral ng kabataan dahil ang edukasyon ang mag-aahon sa mga pamilya mula sa kahirapan,” ani Versoza.

Sa oras na maisabatas ay aatasan ang Department of Education katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magtayo ng E-Skwela Hub o irepair ang mga dati nang learning centers habang ang Department of Information and Communication Technology ang syang mangangasiwa sa pagkakabit ng internet connection. Gail Mendoza