ELECTRONIC MONITORING SYSTEM, PANLABAN SA ROAD ACCIDENTS

ELECTRONIC MONITORING SYSTEM, PANLABAN SA ROAD ACCIDENTS

February 23, 2023 @ 1:45 PM 1 month ago


MALIBAN sa mga kaso ng carnapping, kailangang triplehin ang pag-iingat ng mga driver at mananakay dahil sa nakababahalang sunod-sunod na aksidente sa daan.

Sa huling talaan na ating nakalap, tinatayang umaabot sa halos 57, 179 ang inisyal na nai-record ng Metro Manila Development Authority sa road crashes nito lamang nakaraang taon.

Ibig sabihin, may average na 156.65 ang pinagsama-samang kaso ng fatality, serious at minor injury at property damage bawat araw.

Napapanahon na sigurong pag-isipan ng mga awtoridad at mga mambabatas ang pagkakaroon ng tinatawag na electronic o In Vehicle Monitoring System sa lahat ng mga pampasaherong sasakyan.

Ang IVMS ay isang electronic system na may monitoring, tracking at recording features sa bawat isasagawang biyahe.

Personal nating nasubaybayan ang pagiging epektibo nito noong nagtrabaho tayo sa isang giant oil producer sa Middle East.

Dahil sa IVMS, na-improve ang road safety, tumaas ang
transportation productivity at nakinabang nang husto ang kompanya dahil nagkaroon din ng significant improvement sa fuel efficiency.

Papaano nangyari ‘yon? Namo-monitor ng bagong teknolohiya ang driving hours, vehicle speed, acceleration at deceleration ng sasakyan dahil meron itong warning system at recording na magbibigay kaagad ng information sa driver at sa journey management manager o supervisor na nasa control center. Kontrolado nito ang vehicle movement at pagmamaneho dahil kailangang nakarehistro sa system ang identification ng trained and licensed driver at nasa kaniya lamang ang code o chip para mapaandar ang sasakyan.

At ang pinakamaganda sa mga feature ay ang GPS tracking system na nagmomonitor sa lokasyon ng sasakyan saan man ito naroroon.

Hindi imposible na mag-zero ang kaso ng aksidente sa daan at kaso ng carnapping kung may gamit tayong IVMS. Malaki rin ang maaaring maiambag nito upang maresolba ang mga krimeng may kinalaman sa terrorism, kidnapping, murder at robbery.

Kaakibat ng sistemang ito ang vehicle inspection, defensive driving training, driver’s competence at penalties for violation para sa mga pasaway na driver.

Mas magandang simulan ito sa lahat ng mga pampublikong sasakyan tulad ng jeep, bus, taxi, tricycle, motorcycle taxi at iba pa.