ELEKSYON NA NAMAN PARA  KINA KAP AT SK CHAIRMAN

ELEKSYON NA NAMAN PARA  KINA KAP AT SK CHAIRMAN

March 1, 2023 @ 1:45 PM 3 weeks ago


INIHAYAG na ng Commission on Elections ang petsa ng halalan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan o BSKE.

Oktubre 30, ngayong taon at simula sa Hulyo 3 hanggang Hulyo 7 ang pag-file ng kandidatura.

Pero magsisimula ang kampanyahan sa Oktubre 19 hanggang 28 at bawal na sa Oktubre 29.

Magsisimula naman sa alas-7:00 ng umaga at magtatapos sa alas-3:00 ng hapon ang botohan.

Itong Statements of Contributions and Expenditures or SOCEs o deklarasyon sa ginastos, magsisimula pagkatapos ng halalan hanggang Nobyembre 29, 2023.

MGA BAWAL SA ELECTION PERIOD

Tinatawag na election period para sa BSKE ang mga petsang mula Hulyo 3 hanggang Nobyembre 14, 2023.

Dahil panahon nga ng halalan ang mahigit apat na buwan na ‘yan, marami ang ipinagbabawal upang maiwasan ang mga hindi nagaganap tuwing ganitong panahon.

Bawal ang pagdadala ng baril at anomang armas na na pupuwedeng gamitin sa pagpatay at pananaki, pagkakaroon ng badigard, bilihan at bentahan ng boto, paglilipat ng mga empleyado sa pamahalaan na saklaw ng civil service at pagsuspinde sa opisyal na ibinoto sa halalan.

Bawal din ang bentahan, bilihan, pamimigay at pagtanggap ng nakalalasing na inumin gaya ng mga beer at alak.

BAWAL?

Bago ang anunsyo ng halalan para sa kina kapitan, SK chairman at mga kagawad ng barangay at SK, matagal nang nangangampanya ang mga politiko rito.

Kasi naman, kung gusto mong magkaroon ng buong tiket at hindi ka independiyente, kailangan mong manligaw sa lahat ng sitio.

Kailangang magkaroon si Kapitan ng mga kagawad mula sa mga sitio  at mga kandidatong SK na rin.

Nito nga lang nakaraang Pasko at Valentine’s Day, mga brad, nakapako sa mga puno, pader at iba pa ang mga kumpletong tiket na pambarangay council at pang-SK na bumabati sa mga mamamayan.

Gumagastos na ang mga kandidato para sa binyag, kasal,kumpil, lamay, piyesta at iba pang mga okasyon.

Naririyan din ang pagiging isponsor nila sa mga palaro at uniporme para sa basketbol, volleyball,  pingpong, tennis at iba pa, kasama ang pamasahe ng mga estudyanteng lalahok sa mga paliga ng Department of Education.

Ang mga kandidato, nag-uunahang kumapit kina mayor, konsehal, governor, vice mayor, vice governor, bokal, kongresman, senador at iba pa.

At tuwang-tuwa namang may-alagang mga opisyal ng barangay at SK ang mga nasabing mga matataas na opisyal.

Tanong: Bawal ba ang mga gawaing ito?

Sabi nila, hindi bawal dahil wala sa panahon ng election period na Hulyo 3 hanggang Nobyembre 13, 2023.

NOON AT NGAYON

Noon, mga brad, isinusulat, gamit ang mga lapis, bolpen, sa papel ng elementarya o kartolina o Manila paper ang mga campaign material.

Ngayon, ipinipindot at ipinararaan sa cellphone at iba pang gadget mga campaign material ngunit may tatak na Gcash, Smart Padala, Maya at iba pa.