Eleksyon sa 2019, tuloy – Malacañang

Eleksyon sa 2019, tuloy – Malacañang

July 12, 2018 @ 3:16 PM 4 years ago


Manila, Philippines -Tiniyak ng  Malakanyang na matutuloy ang eleksyon sa 2019 at malabong magkaroon ng No El o No Elections.

Ang katuwiran  ni Presidential spokesperson Harry Roque, hangga’t hindi nababago ang petsa ng halalan na nakasaad sa Saligang Batas ay walang dahilan para hindi matuloy ang nakatakdang mid-term elections sa susunod na taon.

“Ang Presidente po ang tagapagpatupad ng ating Saligang Batas; hanggang hindi po mababago ang petsa ng halalan na nakasaad sa ating Saligang Batas, ipatutupad po ‘yan ng Presidente – matutuloy po ang eleksiyon ng 2019,” ayon kay Sec. Roque.

Ang tanging posibilidad lamang aniya na hindi matuloy ang halalan ay kung mararatipikahan ng panukalang bagong Saligang Batas.

Sa ganito aniya kasing kaso, mapapawalang bisa na ang  ‘87 Constitution subalit hanggat’t wala pa aniyang bagong Saligang Batas  ay titiyakin ni Pangulong Duterte na magkaka-eleksiyon.

Sa ulat, nagbitiw kasi ng salita si House Speaker Pantaleon Alvarez na pabor siyang huwag nang magdaos ng eleksyon sa 2019 upang bigyang daan ang transition para sa panukalang Federal government.

Sinabi ni Sec. Roque na hindi na kailangan pang magpaliwanag ni Alvarez kay Pangulong Duterte ukol sa bagay na itio dahil alam naman anya ng lahat na  independiyenteng sangay ng gobyerno ang Kongreso.

Bukod pa sa alam din naman aniya ng mga mambabatas ang obligasyon ng Presidente ay tagapagpatupad ng Saligang Batas at ng mga batas.

Hindi naman naniniwala si Sec. Roque na makakahakot ito ng ibayong galit ng publiko laban sa administrasyon lalo pa’t kaalyado ng Malakanyang si Speaker Alvarez.

“Hindi po, dahil ang desisyon naman kung itutuloy o hindi eh nasa Ehekutibo,” diing pahayag nito.

Sa press conference ay namin ni Alvarez na sa ngayon ay wala pang nakakaalam kung magkakaroon ng eleksyon sa 2019 o wala, bagamat mayroong nakaiskedyul ay magiging depende pa rin umano ito sa kung ano ang nais na bigyan ng prayoridad ngunit kung siya ang masusunud ay No Election scenario ang nararapat para maisulong ang Charter Charter.

“Kung gugustuhin na matapos ang Cha-Cha ay makabubuting huwag munang mag-eleksyon para hindi naman masabing minadali o bara-bara lang ang pagkakapasa nito”paliwanag ni Alvarez.

Kung titignan umano ang iskedyul ng Kamara ay malabong maisingit pa ang Cha-Cha maliban na lamang kung gagawin itong prayoridad at hindi na itutuloy ang 2019 election.

“Kung ako tatanungin, be objective pag-aralan ang kalendaryo, may SONA, pagkatapos hearing na sa 2019 budget, sa Oktubre magfile na ng Certificate of Candidacy, tapos magpapasko ay mahaba ang bakasyon tapos sa Pebrero ay kampanya na. Paano pa gagawin yung proposal sa Cha-Cha, kung gusto natin matapos ‘yan pag-aralan mabuti ang timetable” pahayag ni Alvarez.

Dagdag pa nito na kung magkakaroon ng halalan sa 2019 ay kakailanganin ng mga mambabatas na mangampanya kaya ang resulta ay mawawalan ng quorum sa Mababang Kapulungan na tiyak na mabibitin lalo ang Cha-Cha.

“kung prayoridad ang Cha-Cha ay dapat mag-focus dito ang Kongreso” giit pa ni Alvarez. (Kris Jose)