Elon Musk, world’s richest person!

Elon Musk, world’s richest person!

February 28, 2023 @ 3:48 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Balik si Elon Musk bilang world’s richest person, matapos maagaw ni Bernard Arnault ng France ang titulo.

Ito ay matapos ang halos 70% pag-angat sa stock price ng Tesla Inc. ngayong taon. Mas mataas ito ng 100% mula sa intraday low nito noong Jan. 6. Nabenepisyuhan din ang kompanya ng mas malakas na demand sa electric vehicles nito matapos magmura ng ilang modelo.

Umabot ang net worth ni Musk sa $187.1 bilyon, base sa Bloomberg Billionaires Index. Mas mataas ito kumpara sa $185.3 bilyong personal fortune ni Arnault, ang 73-anyos French tycoon sa likod ng luxury-goods powerhouse na LVMH.

Hindi naman naapektuhan ng mga donasyon ni Musk noong nakaraang taon ang kanyang net worth. Nagbigay siya ng 11.6 milyong Tesla shares sa hindi pinangalangang charitable causes sa pagitan ng August at December. Nagkakahalaga ang stock ng halos $1.9 bilyon, batay sa closing prices sa mga araw na ibinigay ito.

Nababahala ang Tesla investors na masyadong nakatutok si Musk sa Twitter, na binili niya noong Oktubre, sa parehong panahon na nahaharap ang electric carmaker sa mas malakas na kompetisyon sa industriya. Sinabi ni Musk noong Disyembre na balak niyang magbitiw sa kanyang pwesto matapos umano niyang makahanap ng isang”foolish” na indibidwal na hahalili sa kanya.

Samantala, ikakasa ng Tesla ang 2023 investor day nito sa Miyerkules, kung saan tatalakayin ng mga pinuno ng kompanya ang long-term expansion plans nito. RNT/SA