Emergency room ng NKTI full capacity na

Emergency room ng NKTI full capacity na

November 23, 2022 @ 4:45 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo ng National Kidney and Transplant Institute nitong Miyerkules, Nobyembre 23 na naabot na ng kanilang emergency room ang full capacity.

Sa abiso na pirmado ni executive director Dr. Rose Marie Rosete-Liquete, sinabi na ang NKTI ay puno na ng mga pasyenteng nagpapa-dialysis kabilang ang mga pasyenteng may leptospirosis at COVID-19.

“Dahil dito ay puno na rin ang aming Emergency Room (ER) na sa kasalukuyan ay umaabot na sa 3x ng aming kapasidad. Ito ay sa dahilang wala na ring bakanteng kuwarto sa mga wards,” ayon sa kalatas.

“Dagdag pa rito ang kakulangan ng mga nurses sa NKTI na siyang isa sa mga pinakamalaking problemang hinahanap ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) sa buong bansa,” dagdag nito.

Dahil dito ay inaabisuhan muna ang publiko na tumawag sa National Patient Navigation and Referral Center o One Hospital Command sa 0919-977-3333; 0917-878-7418; (02) 886-505-00, PLDT-1555 (Option 2), 0915-777-7777.

Samantala, naglabas din ng listahan ang DOH ng mga pribadong ospital sa Metro Manila na maaaring puntahan ng mga indigent patients. Jocelyn Tabangcura-Domenden