Empleyado ng BI sa NAIA bawal muna magbakasyon

Empleyado ng BI sa NAIA bawal muna magbakasyon

January 19, 2022 @ 12:37 PM 7 months ago


MANILA, Philippines – Naglabas ng direktiba ang pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) hinggil sa pagbabawal ng kanilang mga tauhan na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na magbakasyon upang mapakinabangan ang mga ito partikular na sa mga pangunahing daungan.

Batay sa inisyung direktiba ni Atty. Carlos Capulong, BI port operations division (POD) chief, hanggang Enero 31 ang panahon kung saan ipinagbabawal ang mga immigration personnel sa NAIA na kumuha ng vacation leave.

Ang nasabing ban, na nagsimula noong Disyembre 16 bago ang 2021 Christmas holiday break, ay dapat mag-expire nitong Enero 15.

Sinabi ni Capulong na pinalawig pa ng dalawang linggo ang pagbabawal sa paghahain ng vacation leave dahil tumaas ang bilang ng mga BI officers sa airport na dinapuan ng Covid-19 nitong mga nakaraang araw.

Binigyang-diin ng opisyal na ang direktiba ay kinakailangan upang matiyak na walang maantalang operasyon ng BI sa paliparan sa gitna ng pagtaas ng bilang ng mga tauhan na nagpositibo sa virus o nasa quarantine.

“No application for leave during this period will be entertained or approved and all filed leaves are hereby cancelled to ensure that we have enough personnel to service the traveling public,” ani Capulong.

Matatandaan na nitong Lunes ay may kabuuang 138 BI-POD personnel ang nagpositibo sa virus. May karagdagang 129 na empleyado ang nananatili sa quarantine habang hinihintay ang resulta ng kanilang mga swab test. Sa kabilang banda, 99 pang tauhan ang nag-negatibo at nakabalik na sa trabaho. JAY Reyes