Empleyado ng isang ospital, ginahasa-patay

Empleyado ng isang ospital, ginahasa-patay

April 26, 2022 @ 3:29 PM 2 months ago


CAGAYAN – Isinailalim na sa interogasyon ang isang binata na umaming suspek sa panggagahasa at pagpatay sa isang respiratory therapist at empleyado ng Cagayan Valley Medical Center o CVMC sa Tuguegarao City.

Pansamantala nasa interogasyon si Vilfred Carodan, 31-anyos, tubong Brgy. Smart, Gonzaga, Cagayan.

Ayon sa suspek ay nabighani at naakit umano siya sa biktima na si Ma. Jennifer Suzette Oñate, 27-anyos, nangungupahan sa isang apartment sa Barangay Carig Sur, Tuguegarao dahil sa nakikita umano niya ito na naka-nighties sa tuwing pumupunta siya sa apartment kung saan nangungupahan din ang kanyang live-in partner na isa ring empleyado ng CVMC.

Dahil dito, pinasok ng supek ang kwarto ng biktima na nagkataon na hindi naka-lock at dito isinagawa ang krimen.

Pagkatapos nito ay dinala ng suspek ang bangkay ng biktima sa stock room ng inuupahang kwarto ng kanyang live-in partner.

Natagpuan ng mga pulis ang bangkay ng biktima sa ilalim ng kama na nakabalot ng kumot at nangangamoy na.

Nakuha rin sa kwarto ang isang luggage bag na naglalaman ng ilang gamit ng biktima kabilang na ang kanyang saplot na may bahid ng dugo.

Ibinalik din ng isang basurero ang iba pang gamit ng biktima na sinasabing nawawala na itinapon umano ng suspek sa bayan ng Iguig.

Matatandaan na unang iniulat ng asawa ng biktima na nawawala ang kanyang misis matapos na hindi umuwi sa kanilang lugar sa Gattaran matapos ang kanilang pag-uusap noong gabi din, bago mangyari ang insidente.

Agad nagtungo sa lugar ang mga pulis at dito natagpuan ang kalunos-lunos na sinapit ng biktima at agad din na tinungo ang bayan ng Gonzaga kung saan nahuli ang suspek

Sa pagsusuri sa bangkay ng biktima, siya ay namatay dahil sa pananakal ng suspek.

Nakatakdang sampahan ng kasong rape with homicide ang suspek na pansamantalang nasa kustodiya ng pulisya. Rey Velasco