Employer na nagpasweldo ng barya sa factory worker nagka-COVID – Gatchalian

Employer na nagpasweldo ng barya sa factory worker nagka-COVID – Gatchalian

July 8, 2021 @ 11:41 AM 1 year ago


Manila, Philippines – Nagpositibo sa COVID-19 ang employer na nagpasahod sa factory worker ng barya sa Valenzuela City, batay kay Mayor Rex Gatchalian.

“Na-COVID itong si Jasper So. Pinadala ng abugado nila sa akin yung resulta ng COVID kahapon pati yung MJ, yung parang admin head na kasa-kasama niya, na COVID silang dalawa,” kwento ni  Gatchalian.

Dagdag pa nito, ito ang naging dahilan kung bakit hindi agad nakatugon ang kumpanya sa pagpapasara sa kanila.

“Sarado pa rin ang kanilang kompanya kasi hindi pa sila nakaka fully comply. Binigyan natin sila ng 14 days, wala pa tayo doon pero hindi pa rin sila nakakapag comply rin naman.”

Maaalalang sinuspende ng Valenzuela City ang Nexgreen Enterprises matapos na magreklamo ang factory worker na si Russel Mañoza dahil pinasahod siya ng mga barya at iba pang paglabag ng nasabing kompanya. RNT/FGDC