Employment rate ng TESDA grads, pumalo sa 86%

Employment rate ng TESDA grads, pumalo sa 86%

December 13, 2022 @ 4:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) nitong Martes na umabot sa 86 porsyento ang employment rate ng graduates nito.

“Natutuwa din po tayo dahil napakataas din po ng percentage ng ating employment rate,” ani TESDA deputy director general Aniceto “John” Bertiz III sa televised public briefing.

“Sumasampa na po tayo sa 86% lahat po ng graduate ng TESDA ay nakakakuha na po ng trabaho hindi lamang dito sa ating bansa pati na rin po sa ibang bansa,” patuloy niya.

Ayon kay Bertiz, prayoridad ng TESDA na makapag-produce ng mga mangaggawa sa larangan ng agriculture, construction, information technology,  business process outsourcing, healthcare, at tourism.

Idinagdag niya na itinutulak ng TESDA ang mga kursong kahanay ng fourth industrial revolution at pagbibigay ng microcredentials para sa job applicants.

Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Dsiyembre 7 na ang bilang ng unemployed Filipinos ay bahagyang bumaba nitong Oktubre.

“Ang unemployed persons o bilang ng mga nasa labor force na walang trabaho o negosyo nitong Oktubre 2022 ay nasa 2.24 million,” ani PSA chief at National Statistician Dennis Mapa batay sa October 2022 Labor Force Survey.

Ang bilang ng mga walang trabahong indibidwal na edad 15 pataas noong Oktubre ay mas mababa kumpara sa 2.5 milyong unemployed individuals na naitala noong Setyembre. RNT/SA