‘ENDO KING’ NASA INTRAMUROS?

‘ENDO KING’ NASA INTRAMUROS?

November 29, 2022 @ 11:12 AM 2 months ago


NAGULANTANG ang mga pulis kamakailan nang biglang sumulpot ang mahigit 200 na mga manggagawa sa Intramuros, Maynila upang ipanawagan ang pagbibitiw sa pwesto ni ‘Kal Lagasna’.

Ayon sa mga galit na miyembro ng mga militanteng unyon mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, eto pa lang si Kal Lagasna (kalbo at nalalagas na ang buhok) ang ‘endo king’ ng Pilipinas.

Ang endo ay pinaikling salita na ‘end of contract’. Pakana ito upang hindi maregular ang isang empleyado nang makatakas ang mga magugulang na kapitalista o employers sa pagbabayad ng benepisyo ng kanilang mga manggagawa.

Ayon sa mga naghihimutok na mga raliyista, napakalaking kalokohan na ang isang mataas na pinuno ng kagawaran para sa mga manggagawa ay isa sa nangungunang kasosyo sa isang bigating manpower agency na nakilala sa pangalang ‘Asiapera Cooperative’ kung saan talamak ang endo.

Ibinunyag rin ng mga nagprotesta na dati nang isinulong ni kal Lagasna ang endo upang ganap itong maging batas sa ilalim ng Department Order 174.

Malinaw tuloy sa mga manggagawa na ang tunay na pinagsisilbihan ni Kal Lagasna ay hindi ang mga obrero kundi ang mga kapitalista.

Sa gitna ng nasabing panawagan ng mga manggagawa na patalsikin sa pwesto si Endo King, maugong naman ang balita na isusunod na si Kal Lagasna sa ‘chopping board’ ng palasyo.

Hindi maiwasan na maidugtong si Kal Lagasna sa mga listahan ng mga tsutsugiin dahil bukod sa hindi nito alam ang buong pangalan ni PBBM ay isa rin itong appointee ng dating opisyal na malapit sa Pangulo.

Una nang napabalita na daang milyon ang kapalit para sa isang mataas na government position nang namamayagpag pa ang dating opisyal.

Kung naging ganito ang kalakaran upang maipuwesto si Kal Lagasna, saan niya naman kaya kukunin ang pangbawi para sa daang milyon na nailarga?

Ano kaya ang masasabi ni First Lady rito? Abangan!