Enercon campaign hirit ni Recto

Enercon campaign hirit ni Recto

March 9, 2023 @ 9:23 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Umapela si Batangas Rep. Ralph Recto kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maglunsad ng “enercon campaign” sa hangarin na makatipid ang bansa sa pagbabayad ng kuryente at gasolina.

Ayon kay Recto, ang Enercon Campaign ay unang inilunsad noong 1970 sa termino ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., sa harap ng mataas na konsumo sa kuryente ay magandang muli itong isagawa.

Aniya, nasa P91 billion ang taunang bayarin sa utilities at fuel subalit kung makapaglulunsad ng enercon campaign ay tiyak na mapapababa ito, giit ni Recto, makatipid ng 10% ay katumbas na ito ng P9 bilyon na maaaring magamit sa ibang programa.

Tinukoy nito ang naging kautusan noong 2004 ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na magtipid ng kuryente sa mga government offices na naging matagumpay, aniya, ang ginawa na ito ni Arroyo ay maaaring sundan naman ng kasalukuyang administrasyon.

Isa sa maaaring paraan para makatipid ay magpatupad ng 4 day work week.

“Dapat comprehensive. A national framework of which a four-day work-week, as proposed by the Finance secretary, is but one component. For the people to support it, it should be framed as saving money and saving the Earth at the same time,” paliwanag ni Recto.

Sinabi ni Recto na P43.2 bilyon ang binabayad ng pamahalaan para sa kuryente, gas at tubig noong 2019, P47.5 billion naman sa fuel, oil, at lubricant expenses, nangangamba ito na kung hindi pa rin magtitipid ay posible itong umabot ng hanggang P100 bilyon ngayong taon.

Umaasa si Recto na ang enercon campaign ay gawin bago magsimula ang summer kung saan karaniwang malakas ang kunsumo sa kuryente. Gail Mendoza