ENERGY CRISIS NAKAAMBA SA 2023

ENERGY CRISIS NAKAAMBA SA 2023

June 11, 2022 @ 9:45 PM 2 weeks ago


Alam ninyo, bayan, nagbabadya ang panibagong yugto ng karimlang naranasan ng sambayanang Pilipino mahigit tatlong dekada na ang nakakalipas,bunsod ng nakaambang krisis sa enerhiyang inaasahang madarama sa 2023.

Pag-amin ni dating Energy Secretary Jericho Petilla kay Department of Energy Usec. Benito Ranque sa isang pulong,hindi nagawang madagdagan ng pamahalaan ang mga power plant sa kabila pa ng mabilis na paglobo ng populasyon.

Aray ko po! E paano na si Mang Juan sa susunod na taon?

Ang totoo, higit na kailangan ang agarang pagkilos ng susunod na administrasyon sa pamumuno ni incoming President Ferdinand Marcos Jr. upang maibsan ang perwisyong dahil sa kapos na kuryente.

Hindi po nanaisin ni President Marcos Jr. na masira sa kanyang pangako sa mga tao.

Ito rin marahil ang dahilan kung bakit naantala ang pagtatalaga sa susunod na Kalihim ng DOE na sa anim na tao sa kanyang talaan, lima ang rekomendado ng kanyang mga kaalyado. Ang natitirang pangalan, walang padrino.

Sadyang kakaiba ang susunod na Pangulo. Ang kanyang pagrerebisa, ay nakabatay po sa nagawa at puwede pang magawa sa sektor ng enerhiya.

Isa sa kanyang masusing pinag-aaralan ang inilatag na programang nagsusulong sa paggamit ng 70-megawatt mobile nuclear reactor na may kapasidad lumikha ng kuryente para sa isang buong isla, malaki man o maliit.

At dahil mobile, puwedeng ibyahe kung saan higit na kailangan o ikonsiderang pangmatagalang solusyon sa manipis na suplay ng kuryente kumpara sa laki ng populasyon.

Sa madaling salita, isang mobile power reactor kada lalawigan sa susunod na anim na taon.

Sa pagsasaliksik na ginawa natin, ‘yan na rin pala ay ginagamit na ng mga mauunlad na bansang tulad ng Tsina at Estados Unidos, kung saan hindi hamak na mas mura ang kuryente.

Lumalabas ding mas mura ang mobile power reactors kumpara sa pagtatayo ng isang dam na pangunahing kailangan para sa isang 70-megawatt hydro power plant.

Kung magagawa ‘yan ng susunod na Pangulo, hindi malayong bumaba hanggang P2.50 per kilowatt hour ang buwanang singil sa mga mamamayang Pilipino.

Opppsss pero teka, sino nga ba sa anim na pinagpipilian ng susunod na Pangulo ang henyong may panukala nito?

Eh di ‘yung walang padrino na si Usec. Benito Ranque.

Gayunpaman, angkop pa rin na isabay ng susunod na administrasyon Marcos ang malawakang renewable energy program para sa electric cooperatives sa mga kanayunan.