Enforcer, disiplinahin muna bago rider – Bosita

Enforcer, disiplinahin muna bago rider – Bosita

October 21, 2022 @ 2:18 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni 1-Rider Party-list Rep. Bonifacio Bosita na nakipagtulungan ito sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang matutukan muna ng ahensya ang pagdidisiplina sa mga traffic enforcer.

Ito ang ibinahagi niya sa panayam ng Radyo Pilipinas kaugnay ng proposed motorcycle lane sa Commonwealth Avenue, Quezon City at iba pang mga kalsada sa Metro Manila.

“Kasabay po kasi nito, ang tinitignan syempre yung disiplina, ani Bosita.

Paghahayag niya, kinonsulta siya ng MMDA sa planong motorcycle lane.

“Eh nabanggit ko po yan sa pamunuan ng MMDA, na sa usaping disiplina ng motorcycle riders, ang mungkahi ko, bago natin bigyan yan ng atensyon ay unahin natin yung disiplina ng inyong mga traffic enforcers at pulis,” aniya.

Dagdag nito, hindi naman umano patas na palaging ang mga motorcycle riders lamang ang palaging nasisilip.

“Kasi hindi maganda na tinitignan natin, disiplinahin natin mga riders pero yung ating mga enforcers at pulis, wala namang disiplina ano? Parang hindi tama iyon,” pagdidiin ni Bosita.

“With that, nag-commit naman po ang pamunuan ng MMDA na uunahin yung pagdidisiplina sa mga traffic enforcers and police na sumusuway sa batas na kanilang ipinapatupad,” dagdag niya.

Maliban sa pagiging isang party-list representative, si Bosita rin ay founder ng Riders Safety Advocates of the Philippines (RSAP) at kilalang tagasagip ng mga motorista na di-umano ay nahuhuli ng mga enforcer at natitiketan sa maling paraan. RNT/JGC