Quezon City – Patay ang dalawang hinihinalang miyembero ng “basag-kotse” gang matapos maka-engkwentro ang mga pulis sa Barangay Old Balara, Quezon City.
Ayon sa ulat kay Supt. Joselito Esquivel, director ng Quezon City Police District (QCPD), huli sa akto ang ginagawang modus ng suspek sa isang sasakyan na nakaparada sa tapat ng isang convenience store.
Naghihintay lamang ng booking ang isang TNVS driver nang bigla umanong binasag ang likurang bahagi ng kaniyang sasakyan.
Nagkataon naman na kasalukuyang kumakain sa convenience store ang isang nakasibilyang pulis na si PO2 Rino Agader kaya’t agad itong rumesponde.
Pinaputukan ng mga suspek ang pulis at dali-daling tumakas at dumaan sa isang checkpoint operation na nagresulta sa engkuwentro.
Namatay ang dalawang hinihinalang miyembro ng ‘basag-kotse’ gang sa nangyaring engkuwentro.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis upang malaman ang pagkakakilanlan sa mga namatay na suspek. (Remate News Team)