Enhypen pinanggigilan ng airport personnel, iimbestigahan ng MIAA

Enhypen pinanggigilan ng airport personnel, iimbestigahan ng MIAA

February 6, 2023 @ 2:44 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Iniimbestigahan na ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa pangunguna ng Office for Transportation Security (OTS) ang insidente kung saan nagpakita umano ng “unprofessional behavior” ang isang airport personnel habang isinasagawa ang security screening ng mga miyembro ng Kpop group na Enhypen.

Nitong Lunes, Pebrero 6 ay nag-trending sa Twitter ang #MIAAdoBetter makaraang magpahayag ng pagkadismaya ang ilang fans sa Manila International Airport Authority (MIAA) matapos kumalat ang isang video kung saan tila nanggigigil at hinihipuan ng isang babaeng empleyado ng Ninoy Aquino International Airport, ang miyembro ng grupo.

Dahil dito ay dismayado ang mga fans, kasama ng iba pang mga airport personnel na kumukuha ng larawan at video sa Enhypen members.

Sa pahayag ng Office for Transportation Security (OTS) sinabi nito na tinututukan na nila ang naturang isyu.

“The management is currently investigating the matter to determine the extent of violation committed based on existing rules and security screening protocols if any, and impose appropriate administrative sanctions, should it be necessary,” ayon sa OTS.

“While we understand the excitement brought about by the presence of these Korean artists, we remind not only our personnel, but all airport users, that unauthorized filming at our security screening checkpoints is not allowed as a matter of policy,” dagdag pa.

Siniguro rin ng OTS sa publiko na hindi nila palalampasin o kukunsentihin ang anumang unprofessional behavior ng kanilang mga tauhan.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni OTS Administrator Mao Ranada Aplasca na hindi tama ang naging aksyon ng babaeng tauhan nila sa video.

Nitong Linggo lamang, Pebrero 5 ay nagpaalala ang management company ng Enhypen na Belift Lab sa mga fans na panatilihin ang etiquette rules ng mga artistang dumarating sa mga paliparan.

“Belift Lab is strengthening its security during artists’ travel inside the airport in order to prevent further safety issues. We strongly advise you to comply with… fan etiquette in all areas of the airports including security areas to ensure artists’ safety and maintain order in airports,” pahayag ng management.

Hiniling din nito sa mga fans na iwasan ang pagkuha ng larawan at video sa mga miyembro ng Enhypen lalo na sa mga lugar na ipinagbabawal ang pagkuha nito katulad ng mga paliparan. RNT/JGC