Enrile nanumpa na bilang chief legal counsel ni PBBM

Enrile nanumpa na bilang chief legal counsel ni PBBM

July 27, 2022 @ 7:27 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos ang panunumpa ni  dating senador Juan Ponce Enrile Sr. bilang kanyang Chief Presidential Legal Counsel nitong Hulyo 26, ayon sa kumpirmasyon ng Office of the Press Secretary.

“President Ferdinand Marcos Jr. sworn into office today, July 26, 2022, Juan Valentin F. Ponce Enrile Sr. as Chief of Presidential Legal Counsel,” ayon sa kalatas ng Office of the Press Secretary (OPS).

Matatandaang nagsilbi bilang kalihim ng Department of Justice, acting secretary of Finance, at minister of National Defense si Enrile sa ilalim ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. — ama ni Bongbong — na nagpatakbo ng diktadura sa pamamagitan ng Martial Law mula 1972 hanggang 1981.

Bagama’t kilalang malapit na kaalyado noon ng ama ni Marcos Jr., naging instrumental din si Enrile (o Manong Johnny) sa pagpapatalsik sa dating pangulo noong 1986 People Power Revolution matapos ang diumano’y electoral fraud. Sinasabing napanatili ni Marcos Sr. noon ang kapangyarihan ng pagiging diktador kahit tapos na noon ang Batas Militar.

Ilang taong nakulong si Enrile dahil sa 2014 plunder case matapos maisangkot sa multi-billion pork barrel scam. Tumatakbo pa rin ang kanyang kaso.

“I will devote my time and knowledge for the republic and for BBM because I want him to succeed,” sabi ni Enrile, na kilala ring isang abogado na nagsilbi ng apat na termino sa Senado.

Samantala, sa Facebook post, sinabi ni Pangulong Marcos na buo ang kaniyang tiwala sa kakayahan at karanasan ni Enrile.

“Buo ang tiwala ko sa kakayahan at karanasan ni Enrile bilang lingkod-bayan kaya naman umaasa ako na lalong mapabubuti ang pagbibigay ng legal assistance patungkol sa mga magiging aksyon ng ating administrasyon,” ayon kay Pangulong Marcos. Kris Jose