Entrepreneurship subject, ituro sa hayskul – Rep. Rama

Entrepreneurship subject, ituro sa hayskul – Rep. Rama

February 25, 2023 @ 4:12 PM 4 weeks ago


CEBU CITY, Philippines- Itinutulak ni Rep. Eduardo “Edu” Rama Jr. (Cebu City Second District) ang panukala na ituro ang Entrepreneurship bilang hiwalay na asignatura sa junior at senior high school curricula.

Inihain ng mambabatas ang House Bill (HB) 6880 sa Kamara noong Jan. 24, 2023.

Sinabi ni Rama na isinusulong niya ang HB 6880, na target hasain ang abilidad ng mga kabataang Pilipino “to take calculated risks, organize, and manage a business” sa isang competitive market, na patuloy na nagbabago.

Sinabi ni Rama na ang pagsasama ng paksang Entrepreneurship ay magbibigay-daan para ma-expose ang mga mag-aaral sa mga konsepto at pagsasanay na magiging hamon sa kanila na linangin ang kanilang entrepreneurial skills.

“Entrepreneurship is a key driver of a country’s economy. The world is changing rapidly and we are moving steadily towards a generation equipped with more technical knowledge,” aniya.

Target ng panukalang HB 6880 na magbigay ng “complete, adequate, and integrated” educational system sa mga estudyante sa pribado at pampublikong paaralan.

Sa ilalim ng panukala, magtatalaga ang kalihim n Department of Education (DepEd) ng Head Subject Specialist na mangunguna sa implementasyon ng panukalang hiwalay na asignatura.

Kabilang sa panukalang entrepreneurial subject matters ang leadership and management, fund sourcing, marketing, business strategy, at contemporary entrepreneurial practices. RNT/SA