Entrepreneurship training,  sinisilip ng DOST para sa science scholars

Entrepreneurship training,  sinisilip ng DOST para sa science scholars

November 28, 2022 @ 9:06 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Binabalak ng Department of Science and Technology (DOST)  na magbigay ng entrepreneurship training para sa mga  scholars na kumukuha ng “science, engineering at iba pang kaugnay na programa.”

Tinuran ni DOST Secretary Renato Solidum Jr., ang  training science at engineering scholars na nagbabalak na magtayo ng sarili nilang negosyo ay magbubukas  ng mas maraming oportunidad na kumita para sa kanilang “research at innovations.”

“Science, Technology, Engineering, Math ang focus nila. Gusto ko magkaroon sila ng at least man lang training ng entrepreneurship para hindi lang science ang kanilang nakikita. Magkaroon na rin sila ng ideya o ma-expose sila na yung mga scientist, pwede maging entrepreneurs kasi ‘yun ang kailangan natin ,” ani Solidum.

Winika pa ni  Solidum, sa pamamagitan ng entrepreneurship training ay maiaangat ng  mga scientists at engineers ang kanilang sarili mula sa pagiging empleyado at maging nagmama-ari ng sarili nilang  tech companies.

“Hindi yung empleyado ka lang. Baka mayroon kang maisip na innovation, either i-commercialize mo ‘yan at ibenta mo yung technology o ikaw mismo ang magdevelop ng sarili mong company,” aniya pa rin.

Binigyang halimbawa naman ni Solidum si  Microsoft co-founder Bill Gates at Tesla co-founder at chief executive officer Elon Musk  bilang mga matatagumpay na  tech entrepreneurs.

Sinabi pa ni Solidum na nais niyang makipag-partner sa local businesses para bigyan ang mga scientists at engineers ng  business model bilang panimula.

Sa kasalukuyan, nagbibigay ang DOST ng suporta sa mga  ‘patent inventions’ ng mga estudyante na kumukuha sa  ilalim ng “science, technology, engineering and mathematics (STEM) strand.”

“Kahit yung sa mga Philippine Science High School at maliban diyan, yung mga winners natin sa mga pa-contest na na-i-involve ang technology tinutulungan natin ma-patent at yung mga talagang magaganda kahit high school pa lang ay napa-patent na,” dagdag na wika nito.

Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Science and Technology (DOST) na mag-alok ng mas maraming scholarship sa mga mag-aaral para makalikha ng mas malaking grupo ng mga siyentipiko, mananaliksik at innovator na tutulong sa paghahanap ng mga solusyon sa malawak na hanay ng mga problema sa bansa, tulad ng pagbabago sa klima at food security.

“Through this, we will institute a scholarship program, specifically for STEM (science, technology, engineering, mathematics) students and this will not be limited to those who have shown their capabilities, their ability and how they deserve these scholarships here in the Philippines but to any institution that they are accepted to abroad,” ayon sa  Pangulo.

Idinagdag pa ni Pangulong Marcos na tiwala siya sa DOST na sa ilalim ng kanyang administrasyon ay makakatulong sa unti-unting pagtatatag ng Pilipinas bilang isang sentro ng kahusayan sa pananaliksik at pag-unlad.

Samantala, hinimok niya ang mga Filipino scientist na manatili sa Pilipinas upang ibahagi ang kanilang kadalubhasaan.

“I urge you to stay in the country as you pursue your career. We will continue to support you and continue to look to you to be active partners of the government,” wika ng Chief Executive. Kris Jose