Environmental advocate kay Marcos: Kontrobersyal na infra projects busisiin

Environmental advocate kay Marcos: Kontrobersyal na infra projects busisiin

July 10, 2022 @ 1:30 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hinikayat ng isang environmental advocate nitong Sabado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mag-isyu ng moratorium sa ilang kontrobersyal na infrastructure projects na umano’y makaaapekto sa kapaligiran at mga lokal na residente.

Sinabi ni Leon Dulce, national coordinator ng Kalikasan People’s Network for the Environment, na dapat busisiin ang mga kontrata at kasunduan upang maprotektahan ang mga Pilipino.

“Ang panawagan namin ay kailangan magkaroon ng omnibus na moratorium sa mga identified talaga na proyektong mapanira at madaya. Magkaroon ng moratorium until such time mareview ang contracts, agreements,” ani Dulce.

“Hangga’t hindi magawang ang tama ang independent review talagang malulugi lang tayo if mag-proceed ang mga proyektong ito,” patuloy niya.

Kabilang sa mga proyektong nabanggit ni Dulce ang Kaliwa Dam Project sa Quezon province, San Miguel Aerocity sa Bulacan, Pasig River Expressway Project, at Manila Bay rehabilitation project.

Matatandaang pinuna ng community at environmental groups ang mga proyektong ito dahil sa umano’y negatibong epekto nito sa biodiversity at kabuhayan ng mga katutubo.

Gayundin, hindi sang-ayon ang Kalikasan sa plano ni Marcos na rehabilitasyon ng Bataan Nuclear Power Plant.

Ayon kay Dulce, ito ay “image building” lamang dahil ang planta ay itinayo ng kanyang ama.

Nanawagan din ang grupo kay Marcos na ipatigil ang maintenance ng kontrobersyal na Manila Bay Dolomite Beach. RNT/SA