EO SA MAXIMUM RETAIL, WHOLESALE NG DAGDAG-GAMOT OK NA 

EO SA MAXIMUM RETAIL, WHOLESALE NG DAGDAG-GAMOT OK NA 

December 13, 2021 @ 10:33 AM 10 months ago


ARAGDAGANG mga gamot para sa mga sakit na kadalasang sanhi ng kamatayan sa bansa ang may maximum retail at wholesale price na ngayon matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Executive Order No. 155 kamakailan.

Ang nasabing EO ay bahagi ng pagpapalawig ng pamahalaan sa mga hakbang nito upang bigyan ng access ang mga Pilipino sa mura at dekalidad na gamot na sumasaklaw sa nasa 34 medisinang ginagamit sa bansa.

Sa pagpirmang ito ni PRRD sa EO 155, tiyak na maraming Pilipino ang tunay na makikinabang partikular na ang mayroong maintenance medicine na panghabambuhay na ang pangangailangan sa pag-inom ng gamot.

Malaking tulong ang EO na ito upang mas masigurong hindi nagkakaroon ng overpricing sa mga binebentang gamot sa bansa lalo’t hanggang walang itinatakdang price cap ay hindi magkakaroon ng kontrol sa presyo ang pamahalaan pagdating sa bentahan ng mga ito.

Talagang isa sa mga prayoridad ng administrasyong Duterte ang pagsusulong para maiangat ang estado ng kalusugan sa Pilipinas at kahit sa gitna ng pandemya ay nabibigyang pansin ang mga ganitong uri ng inisyatibo.

Ikinatuwa naman ni Senate committee on health chairman Senator Christopher ‘Bong” Go ang pag-aprubang ito ni Pangulong Duterte sa EO 155 na nagmula sa rekomendasyon ng butihing senador na mas palawigin pa ang pagbibigay ng access sa mga Pilipino sa murang gamot.

Maaaring hanggang ngayon ay hindi pa rin maikukumpara ang estado ng ating health facilities at services sa ibang bansa ngunit masasabi nating sa abot ng makakaya ng ating pamahalaan ay unti-unti ring naiaangat ang mga inisyatibong may kaugnayan dito para sa sambayanan.

Mabuti nga at ang ibang mga programa tulad ng pagtatatag ng Malasakit Center ay naisagawa na bago dumating ang pandemya kaya’t isa rin ito sa mga naging takbuhan ng ating mga kababayang tinamaan ng COVID-19 at nangailangan ng atensyong medikal sa ospital.