EO sa policy framework ng peace process, pinuri ni Bong Go

EO sa policy framework ng peace process, pinuri ni Bong Go

January 3, 2022 @ 3:35 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapalabas ng Executive Order No. 158 na nagtatatag ng balangkas para sa pagpapatupad, koordinasyon, integrasyon, pagsubaybay at pagsusuri ng lahat ng hakbangin ng pamahalaan para sa kapayapaan, pagkakasundo at pagkakaisa.

“Kailangan na muling suriin at ihanay kung paano pinaplano, ipinapatupad at sinusubaybayan ang mga patakaran at programa sa mga prosesong pangkapayapaan sa regular na batayan upang mas matagumpay na mabuo ang ating mga natamo sa pakikipag-ugnayan sa pagbuo ng kapayapaan sa mga nakaraang taon,” sabi ni Go.

Ayon kay Go, napapanahon ang paglalabas ng Pangulo ng EO upang masiguro na ang mga peace initiatives ay patuloy na maging matagumpay sa pagtatatag ng kapayapaan sa bansa.

Ang EO 158 ay nagtatadhana para sa mga prinsipyo ng Comprehensive Peace Process, kabilang ang pagtugon sa mga ugat ng hidwaan, kinasasangkutan ng buong lipunan na pakikipag-ugnayan, at pagtataguyod ng makabuluhang partisipasyon ng mga tao, lalo sa mga mahihinang grupo, tungo sa pagkakasundo.

Sa ilalim ng EO, ang mga layunin at estratehiya ng Comprehensive Peace Process ay dapat nakaangkla sa paglalagay ng kapayapaan, pagkakasundo at pagkakaisa; pagpapahusay ng katatagan para sa kapayapaan; at social, economic at political engineering.

Nagbibigay rin ito ng istrukturang administratibo para sa balangkas ng patakaran, kung saan ang Pangulo ay naatasang magbigay ng pangkalahatang direksyon ng patakaran sa pagsasagawa ng Comprehensive Peace Process.

Hihirang ang Pangulo ng isang Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (PAPRU) at magkakaroon siya ng ranggong miyembro ng Gabinete.

Pinahihintulutan din ng EO ang pagtatatag ng Government Peace Negotiating Panels (GPNPs), bawat isa ay binubuo ng isang tagapangulo at tulad ng bilang ng mga kinakailangang miyembro, na pawang hinirang ng Pangulo bilang kanyang mga opisyal na emisaryo upang magsagawa ng direktang negosasyon, diyalogo at talakayan sa mga rebeldeng grupo.

Sa paglagda ng isang pinal na kasunduan sa kapayapaan sa isang rebeldeng grupo, ang kinauukulang GPNP ay dapat buwagin at isang katapat na Government Peace Implementing Panel (GPIP) ay maaaring likhain, na ang mga miyembro ay hihirangin ng Pangulo upang makipag-ugnayan sa grupo ng mga rebelde para sa yugto ng pagpapatupad ng kasunduang pangkapayapaan.

Ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process ay muling inayos at pinalitan ng pangalan bilang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU).

Tiniyak ni Go sa mamamayang Pilipino na ang gobyernong Duterte ay nananatiling nakatuon sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa bansa, partikular sa mga kanayunan.

Sa kabila ng patuloy na pandemya, sinabi ni Go na patuloy sa pagsisikap ang gobyerno na lutasin ang mga lokal na hindi pagkakaunawaan at tugunan ang mga pangunahing sanhi ng mga insurhensiya tulad ng gutom at kahirapan.

“Importante sa amin ni Pangulong Duterte ang kapayapaan lalo na sa Mindanao. Wala na po dapat na patayan, sino ba namang gustong magpatayan kapwa Pilipino laban sa kapwa Pilipino. Masakit ‘yon,” ani Go.

“Kahirapan ang isa sa pangunahing dahilan kung bakit naeengganyo ang ibang Pilipino. Kaya minarapat lamang na tugunan ang kahirapan, lalo na sa mga liblib na lugar, sa pamamagitan ng pinagbuting programa sa kabuhayan, kalusugan, pabahay, edukasyon, atbp,” ani Go.

Ayon sa senador, marami sa mga nagrerebelde ay mula sa mga komunidad na hirap makapasok ang mga basehang serbisyo mula sa gobyerno.

“Ilapit na natin ang gobyerno sa kanila. Dapat ramdam nila na merong gobyernong handang magserbisyo at magmalasakit sa kanina,” ani Go. RNT