Epektibong flood control, disaster response kailangan ng Pinas-Duterte

Epektibong flood control, disaster response kailangan ng Pinas-Duterte

January 10, 2023 @ 7:04 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nanawagan si Vice President Sara Duterte para sa pagtatatag ng epektibong flood control system at pagpapahusay sa disaster preparedness sa komunidad.

Ang pahayag na ito ni Duterte ay matapos maapektuhan ng malakas na pag-ulan ang libo-libong residente sa Bulacan.

Sa isang kalatas, sinabi ni Duterte na mayroong “urgent need for effective flood control infrastructures and disaster management response in reinforcing the communities’ capacity to prevent the occurrence of a calamity.”

Nagsagawa ang kanyang tanggapan ng relief operation para sa mga apektadong pamilya ng matinding pagbaha nang umabot sa spilling levels ang tatlong mga pangunahing dam dahil sa masamang panahon.

Sa ulat, may 780 pamilya o 3,162 indibiduwal ang inilikas mula sa 22 barangay.

“Sa panahon ngayon, hindi pa man dumadating ang bagyo ay nakakaranas na tayo ng baha. Importanteng alam ng bawat miyembro ng pamilya at komunidad kung ano ang gagawin kapag may emergency. Kapag sinabi ng ating local na gobyerno na kailangan lumikas, sundin po natin ang payo ng mga awtoridad bago pa man dumating ang sakuna o trahedya,” ayon pa rin kay Duterte. RNT