Epekto ng El Nino sa produksyon ng pagkain, sosolusyunan ng DTI

Epekto ng El Nino sa produksyon ng pagkain, sosolusyunan ng DTI

April 10, 2019 @ 3:56 PM 3 years ago


Manila, Philippines – Pagtutuunan  na ng pansin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang epekto ng El Nino sa produksyon ng pagkain, partikular na ang mga gulay. 

Sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo, posible kasing magkaroon ng paggalaw ang presyo ng mga agricultural product sa mga susunod na buwan dahil sa inaasahang pagbaba ng produksyon nito dulot ng matinding init ng panahon.


Nagsagawa ng inspeksyon ang Department of Trade and Industry sa pangunguna ni USec. Ruth Castelo sa mga presyo ng ibat ibang klase ng mga gulay at isda sa Sampaloc Market, Manila. Jhun Mabanag/ Remate File Photo

Malala raw kasi ang epekto ng tag-init sa pagsasaka kaya’t paniguradong mababawasan ang suplay nito kasabay ng pagtaas ng demand. 

Gayunman, sabi ni Usec. Castelo na pag-uusapan nila sa pulong ng National Price Coordinating Council mamaya ang mga hakbang para tulungan ang mga magsasaka. 

Isa raw sa maaaring gawin ay tulong sa irigasyon para tuloy-tuloy ang patubig sa taniman ng gulay. 

Samantala, nagbabala naman ang DTI sa mga magbebenta ng mahal na asukal. 

Nitong Abril kasi, pumalo sa hanggang 68 pesos ang presyo ng asukal kada kilo. 

Sabi ni Usec Castelo, dapat nasa 50 hanggang 55 pesos lang ang presyo nito dahil wala naman aniyang kakulangan sa suplay nito. 

Nagpadala na raw ang DTI ng notice of violation sa mga nahuli nilang nagbebenta ng mahal na asukal. Kris Jose