Epekto ng ibinasurang bribery rap sa drug cases ni De Lima, nasa desisyon na ng korte-DOJ

Epekto ng ibinasurang bribery rap sa drug cases ni De Lima, nasa desisyon na ng korte-DOJ

August 11, 2022 @ 11:39 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nakasalalay na sa mga korte para matukoy kung may epekto sa magkahiwalay na kaso sa droga ni dating senator Leila De Lima ang naging desisyon ng Office of the Ombudsman na nagbasura ng mga kasong bribery.

“It’s up to the courts,” ani Remulla sa mga reporter. Kinumpirma niya rin na marami nang mga grupo, karamihan ay diplomats, ang humihikayat sa Department of Justice na ibasura na ang kaso ng dating senadora.

Samantala, sinabi ni DOJ spokesperson Mico Clavano na “nananatiling pareho” ang posisyon ng ahensya sa isyu.

“We have already presented our evidence. It is former senator de Lima’s turn to present hers,” ani Clavano.

Sa isang desisyon noong Hulyo 22, ibinasura ng Ombudsman ang kasong panunuhol na isinampa laban kay de Lima at sa kanyang dating aide na si Ronnie Dayan, na binanggit na may mga hindi pagkakatugma sa mga testimonya na ibinigay ng complainant.

Si De Lima ay nakatanggap umano ng bribe money na nakolekta ni Dayan mula sa convicted drug dealer na si Kerwin Espinosa.

Tinukoy ng Ombudsman na ang testimonya ni Espinosa na si Dayan ang kumukuha ng pera sa kanya, ay taliwas sa testimonya ng isa pang testigo ng gobyerno na si Marcelo Adorco sa bilangguan, na nagsabing si de Lima ang direktang tumanggap ng pera.

Inakusahan ng prosecutors na ang suhol ay isang protection racket para sa pagpapatuloy ng drug trade habang si de Lima, noo’y kalihim ng DOJ sa ilalim ng administrasyon ng yumaong dating pangulong Benigno Aquino III, ay naghahanda na tumakbo sa Senado. RNT