EPEKTO NG SHEAR LINES AT LPA MATINDI

EPEKTO NG SHEAR LINES AT LPA MATINDI

January 27, 2023 @ 10:30 AM 2 months ago


MISTULANG malalakas na bagyo ang iniwan ng shear lines at mga Low Pressure Area na pumasok sa bansa nitong unang bahagi ng 2023 kung saan marami ang napaulat na nasawi at nawalan ng tahanan dahil sa malawakang pagbaha dulot naman ng walang tigil na pagbuhos ng ulan.

Batay sa inilabas na talaan ng NDRRMC, 51 katao ang namatay, 19 naman ang nawawala at 16 umano ang sugatan mula sa iba’t-ibang lugar sa bansa at karamihan sa apektado ay sa Northern Mindanao na nakapagrehistro naman ng 25 indibidwal na nasawi.

Umabot naman sa 50,000 katao ang nasira ang pamamahay kung saan karamihan sa kanila ay pansamantalang inilagay sa evacuation centers habang hindi humuhupa ang tubig baha.

Nakapagtala rin ng halos 600,000 katao ang apektado bunsod sa mala-delubyong sama ng panahong pinaniniwalaan ng mga ekspertong epekto ng climate change na patuloy na nararanasan ng mga bansa sa Southeast Asia kabilang na ang ‘Pilipinas.

Sa unang linggo pa lang ng Enero umabot na sa P52,417,028 cash assistance ang naibigay ng Department of Social Welfare and Development sa mga apektadong pamilya at hindi pa kabilang ‘dyan ang libo-libong foodpacks na ipinamahagi ng ahensya sa mga indibidwal na nasa loob at labas ng evacuation centers.

Bagama’t agarang naihahatid ng mga kawani ng ahensya ang tulong sa mga sinalanta ng baha batay na rin sa direktiba ni Pangulong Bongbong marcos na mabilisan na pagtugon sa mga nangangailangan ng pagkalinga ng gobyerno subalit malaking pondo na ang nagagastos dito kaugnay sa disaster operations sa halip na gamitin sana sa pagbibigay ng kabuhayan sa nakararaming pobreng mamamayan.

Batid ng sambayanan na ang ganitong animo’y matitinding kalamidad na tumatama sa bansa ang mas lalo pang pumipigil sa unti-unting pagbangon ng karamihan mula sa hagupit ng pandemyang covid-19 na sadyang nagdulot ng kahirapan sa bansa sa loob ng halos tatlong taon.

Paano nga ba uusad ang lugmok na kalagayan ng nakararaming pobreng mamamayan kung hindi tayo nilulubayan ng mala-delubyong epekto ng LPA na sadyang ibinabaon pa sa kahirapan ang bawat isa?

Sa madaling sabi, ang kahandaan pa rin ng gobyerno sa anomang kalamidad ang susi sa agarang pagtugon upang maiwasan ang malawakang epekto sa buhay ng bawat isa.