Epekto ng viral vid ni Asec. Mocha sa Pederalismo, huhupa rin

Epekto ng viral vid ni Asec. Mocha sa Pederalismo, huhupa rin

August 7, 2018 @ 2:02 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Hindi magtatagal at hindi rin malaki ang magiging epekto ng kontrobersiyang kinasangkutan ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson sa kampanya ng pamahalaan sa Pederalismo.

Iyon nga lamang , hindi masabi ni ConCom spokesperson Atty. Ding Generoso kung gaano kalaki ang magiging epekto ng viral “ipederalismo” dance video ni Asec. Uson at ang blogger na si Drew Olivar sa isinusulong ng administrasyon na Federalism.

Aniya, nagbabago naman ang pananaw ng mga Filipino at ang kontrobersiya ay parang intermission number lamang.

Sa kabilang dako, nanindigan naman si Generoso na hindi tama ang pamaraan ni Asec. Uson sa pagpapaliwanag ng Federalism sa nasabing video.

Aniya, sana ay ipinaliwanag mabuti  ni Asec. Uson kung ano ang magandang maidudulot sa mga rehiyon ng isinusulong na pagbabago ng Konstitusyon ng bansa.

Binigyang-diin nito na hindi naman talaga kinuha si Asec. Uson na maging spokesperson para sa Pederalismo.

Aniya, nangyari lamang ito nang ma-interview raw siya ng isang reporter at sinabi na malaking tulong ang assistant secretary sa information drive dahil sa dami ng kanyang online followers.

Maaari sanang maglagay si Uson sa kanyang blog ng mga articles tungkol sa pagpapaliwanag sa pagbabago ng Konstitusyon o pahayag ng mga sumusulong nito.

Sinabi naman ni PCOO Secretary Martin Andanar na kinausap na rin niya si Generoso ukol kay Asec. Uson.

Nilinaw ni Sec. Andanar na hindi otorisado si Mocha na magsalita ng kahit anuman kaugnay sa Pederalismo dahil tungkulin ito ng inter-agency task force.

Aniya, ang inter-agency rin ang siyang magtatalaga kung sino-sino ang pwede nilang makatuwang sa pagpapaliwanag sa publiko kaugnay sa Pederalismo.

Sa katunayan, inihayag ni Andanar na lahat ng magiging tagapagpaliwanag ng Pederalismo ay isasailalim pa sa pagsasanay o training. (Kris Jose)