ER ng ‘Bagong Ospital ng Maynila’ ipagagamit sa kwarantin

ER ng ‘Bagong Ospital ng Maynila’ ipagagamit sa kwarantin

January 18, 2022 @ 10:06 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Plano ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila na gawing quarantine facility ang isang bahagi ng Bagong Ospital ng Maynila bilang paghahanda sa posibleng patuloy na pagtaas ng bilang ng tinatamaan ng COVID-19.

Sa panayam kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, ang emergency room ng 10-palapag na ospital na ginagawa pa rin ay maaaring gamitin para sa mga pasyente ng Covid-19.

Aniya, sakaling mapuno ang kapasidad ng mga COVID-19 beds sa anim na district hospital ng lungsod, 12 quarantine facility, at ang Manila Covid-19 Field Hospital ay ay maaari na ding gamitin bilang quarantine facility ang ER ng Ospital ng Maynila.

“Ito ‘yung 50-bed capacity na emergency room ng Bagong Ospital ng Maynila. Tuloy pa rin ang construction sa ibang parte ng bagong ospital pero may mga areas na kami na pwedeng gamitin,” ani Domagoso.

Nabatid na nitong Lunes ay nasa 105 COVID-19 beds na lamang ang okupado mula sa kabuuang 344 na kapasidad nito sa Manila COVID-19 Field Hospital kung saan may katumbas itong 30% okupado.

Ayon kay Domagoso, nito lamang nakaraang linggo ay umabot ng 95% ang occupancy rate ng nasabing field hospital at bumaba na lamang ngayon makaraang gumaling na ang karamihan s mga pasyente na nandito.

Matatandaan na nitong nakaraang Disyembre 31, 2021 ay binuksan ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ang field hospital para sa mga overseas Filipino workers (OFW) at returning overseas Filipinos (ROF) na nagpositibo sa Covid-19 nang dumating ang mga ito sa bansa at pawang nakakaranas ng mga mild symptoms.

Sinabi ni Domagoso na ang libreng paggamit ng field hospital ay paraan ng lungsod ng pagbabayad sa mga OFW na hindi tumigil sa pagpapadala ng tulong pinansyal mula nang magsimula ang pandemya noong 2020.

“So far we are in a good condition in terms of capacity but we are not still in a good condition with regard to infection kasi ‘yung infection grabe pa rin,” ani DOmagoso. JAY Reyes