ERAP AT ALVAREZ, KAPWA NAKUDETA NI GLORIA

ERAP AT ALVAREZ, KAPWA NAKUDETA NI GLORIA

July 27, 2018 @ 8:09 PM 5 years ago


Hindi inaasahan ang biglaan at tila planadong ‘kudeta’ sa Kamara na itinaon sa ikatlong SONA ni Pang. Rodrigo Duterte.

Pinatalsik sa pwesto sa Kamara si dating House Speaker Rep. Pantaleon Alvarez at iniupo bilang kapalit niya si da­ting Pangulo na Pampanga Rep. Gloria Arroyo.

Ang pinagtatakhan ko lang, yaman din lamang na tsinugi si Rep. Alvarez, bakit si dating Pres. Arroyo pa ang pinili ng mga honorabol kongresman?

Wala na bang kongresman na pagpipilian kaya si Mrs. Arroyo na lamang ang kanilang isinalang para pamunuan ang Mababang Kapulungan ng Kongreso gayong sandamak-mak ang mga nagmamagalIng na kongresman.

Si Mrs. Arroyo na naman na halos kulang-kulang sa 10 taon na nagtampisaw sa kapangyarihan simula nang maagaw niya ang poder ng kapangyarihan kay dating Pang. Erap Estrada. Ngayon ay muli na namang ibinalik sa kapangyarihan ng ale.

Anong klaseng utak mayroon itong mga nagmamaga­ling nating honorabol na mam­babatas sa Kamara?

Nakalimutan na ba nila na kaya nakulong nang mahabang panahon sa ospital ng VMMC  si Arroyo ay dahil sa ma-ano­malyang paggamit niya ng P366 M na pondo ng Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO) noong 2012 (yung nga lang na-absuwelto ang ale sa hindi nating malamang kadahilanan).

Hindi lang po ‘yan. Nakali­mutan na rin ba ng mga kong­resman na bumoto kay Mrs. Arroyo ang “Hello Garci” na wire tapped conversation nina Mrs. Arroyo at dating COMELEC Komisyon, este Commissioner Virgilio Garcillano noong 2005 (heller, hehehe?).

Ang nakatatakot dito, (sabi nga ni Sen. Grace Poe) kung halimbawa raw na i-railroad ang Parliamentary Form ng gobyerno, baka raw magulat na lamang tayo na minsan sa paggising natin sa umaga, ‘yung Presidente na ibinoto natin ay napalitan na pala ni Arroyo bilang Prime Minister na kapantay sa kapangyarihan ng Presidente.

Siya na naman ba…na­man…naman (wala na bang iba?)

PATULOY ANG PANGONGOTONG

Patuloy raw ang pango­ngotong sa mga iligalista sa Eastern Police District (EPD) itong mga nagpapakilalang collector daw ni EPD District Director Gen. Bernabe Balba na sina PO2 Vista at isang alias Mark sa mga kailigalan sa Pasig, Mandaluyong, Marikina at San Juan.

Walang aksyon si Gen. Balba sa pag-iikot at panghi­hingi ng lingguhang tong collection sa mga iligalista sa na­sabing distrito.

Anomang puna o reklamo, i-text sa 09189274764, 0926­6719269 o i-email sa juande­[email protected] o juande­[email protected]. – JUAN DE SABOG NI JOHNNY MAGALONA